EDITORYAL - Wala nang kahoy sa mga gubat
ISA sa mga dahilan kung bakit grabe ang pagbaha ay ang kawalan ng mga punongkahoy sa gubat. Dahilan din ng kawalan ng mga puno kaya mabagal bago bumaba ang tubig. Wala nang pumipigil sa baha kaya tuluy-tuloy ang agos at masyadong mapanira. Winawasak ang mga tulay at kalsada. Ganyan ang nangyari makaraang manalasa ang mga bagyong “Pedring” at “Quiel”.
Pero alam n’yo bang hindi lamang ang malakas na agos ng tubig ang sumisira sa mga tulay at bahay? Ang mga troso na bumabangga sa mga tulay ang nagiging dahilan nang pagkawasak. Isang halimbawa ay ang Minanga Bridge sa Bgy. Minanga, San Mariano, Isabela na na-wasak dahil sa pagbangga nang maraming troso. Natangay ng agos ang kalahati ng tulay makaraang banggain ng troso. Mayroon pang naiwang troso sa kabiyak ng tulay.
Ganyan din ang nangyari sa Burnay Bridge sa Lagawe, Ifugao. Nawasak din ang tulay dahil sa baha. Marami umanong troso ang bumangga sa tulay kasama ng iba pang mga sanga ng kahoy kaya bumigay ang tulay. Hindi malaman ng mga tao kung saan dadaan para makatawid sa kabilang pampang. Ayon sa mga residente, noon lang bumaha nang ganoon kalaki sa kanilang lugar at winasak pa ang tulay.
Ubos na ang mga kahoy sa gubat kaya grabe ang pagbaha. Inaanod ang mga troso kaya ang mga bahay at tulay ay nasisira. Talamak na illegal logging na walang magawang paraan ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) at ang Philippine National Police (PNP) kung paano mahuhuli. Habang marami ang nagnanais na makapagtanim ng puno para maiwasan ang grabeng pagbaha ang mga ganid na illegal logger ay patuloy sa pagsalaula sa mga kahoy. Wala nang ibang naiisip ang mga ganid na illegal loggers kundi ang kanilang sarili. Hindi nila alam ang tungkol sa climate change at global warming. Ang alam nila ay pumutol nang pumutol nang puno para kumita nang limpak.
Ayon sa Conservation International, ang kagubatan ng Pilipinas ay kabilang sa mga nasa panganib na maubos nang tuluyan ang mga kahoy dahil sa ginagawa ng illegal loggers at mga nagkakaingin. Darating umano ang panahon na wala nang matitirang mga kahoy sa kagubatan at lulubha pa ang mararanasang kalamidad gaya nang pagbaha at pagkaguho ng lupa.
Kumikilos na ba ang DENR kaugnay sa problemang ito? Sabi, magkakaroon ng massive reforestation. Ito ang dapat. Sana, kapag magtatanim ng mga puno ay alagaan at hindi basta iiwanan na lang. Kailangang mahalin ang mga punongkahoy.
- Latest
- Trending