Kahandaan, kasipagan mahalaga kung sakuna
PAHAYAG ng presidential spokeswoman kinabukasan ng Typhoon Pedring, na natural lang umano na may mamatay, masaktan o masalanta sa sakuna. Maling-mali siya. Tungkulin ng lahat ng gobyerno na iwasan ang kasawian at kahirapan sa kalamidad. Target nga ng matinong lider ang zero casualty, gaano man kalaki ang disaster.
Isa sa huling pagkumpara ng sakuna ay ang magkasunod na lindol na yumanig sa magkapit-bansang Haiti at Chile nu’ng 2010. Mahigit 220,000 ang namatay sa mga gumuhong gusali, pati presidential mansion, sa Magnitude-7 lindol sa Haiti. Mahigit 500 ulit ang lawak ng tumama sa Chile, pero ilang daan lang ang namatay. Ito’y dahil daw sa tatlong bagay: mas mapondo ang Chile kaya naggugugol sa pagsasanay sa kalamidad; pinapahalagahan ang kahandaan; at eksperyensado dahil sa pag-aaral sa nakalipas na kalamidad.
May mga bansa na mabilis kumukutya sa mga pabayang opisyal kapag nagkaroon ng sakuna. Sa America sinibak ng White House ang federal disaster chief sa kabagalan ng kilos sa pagbaha sa New Orleans. Sa Japan apat na matataas na opisyales ang nag-resign sa pag-ako ng sala sa pagsabog ng nuclear power plant dahil sa earthquake tsunami.
May mga bansa naman na itinatago pa ang sakuna. Nu’ng buo pa ang Soviet Union sinikap patayin ng Moscow ang balitang naghasik ng radioactive cloud ang pumutok na Chernobyl nuke plant. Sa China nilihim ang dami ng namatay at lawak ng pinsala ng lindol sa Sechuan.
May mga bansa naman na walang kadala-dala. Ehemplo ang Pilipinas. Alam natin na ang baha ay nanggagaling sa nakababarang basura sa estero, at sa pabayang pagpapaagos ng sobrang tubig-ulan mula sa dams. Pero ayaw natin baguhin ang ating ugaling pabaya.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jarius [email protected]
- Latest
- Trending