Harapin na lahat!

PANAHON na para harapin ni dating Benjamin Abalos Sr. ang lahat ng paratang sa kanya. Panahon na para mabagsakan na ng hustisya ang dating mayor ng Mandaluyong, na tao pa man din ni dating President Corazon Aquino. Ano ang nangyari sa kanya at napunta mula sa pinagkatiwalaan ni Madame Cory para gabayan ang siyudad ng Mandaluyong, sa patong-patong na akusasyon ng katiwalian, at ngayon utak sa likod ng pandaraya sa eleksyon! Totoo nga ba na kinakain ng sistema ang kahit sino? Kahit isang tuwid na tao?

Napakaraming akusasyon at paratang na binabato kay Abalos Sr. Ang pinaka-grabe ay ang anomalya sa naunang computerization sana ng eleksyon, na ngayo’y nabubulok na lang ang mga biniling kagamitan sa mga bodega ng Comelec. Hanggang ngayon ay wala pang nananagot sa anomalyang iyon. Tapos nandiyan ang kanyang sikat na bulong kay Romulo Neri na “Sec., may two hundred ka dito”. Kasama na diyan ang kanyang paglalakad sa isang kasunduang ZTE/NBN, sa panahon pa ng eleksyon kung saan siya ang chairman ng Come­lec! Anong ginagawa niya’t inaasikaso niya ang isang kasunduan, kung siya dapat ang namumuno sa operasyon ng Comelec dahil may eleksyon? At ngayon, ang mga paratang na siya ang nasa likod ng mga pandaraya noong halalan ng 2007, baka pati na rin noong 2004, ayon sa ilang testigong lumulutang nga ngayon sa ilalim ng proteksyon ng administrasyong Aquino!

Makapangyarihan si Abalos Sr. Sa loob ng 25 taon ay tila nagkaroon siya ng isang kaharian sa Mandaluyong. Isa siya sa mga political dynasties na may hawak sa isang siyudad. Anak na nga niya ang kasalukuyang mayor. Kay Jun Lozada mismo nanggaling ang pahayag na wala naman siyang kaharian tulad ni Abalos noong nakipagsapalaran siya sa mga pagdinig sa Senado hinggil sa ZTE/NBN! Noong administrasyon ni Gloria Arroyo, tila hindi magalaw si Abalos Sr., kahit may testigo pa sa kanyang pagbanggit ng suhol na P200 milyon. Iba na ang administrasyon ngayon. Hinihintay na ng mamamayan kung ano ang mangyayari sa katulad ni Abalos na patong-patong na ang mga paratang at akusasyon.

Pagod na ang mamamayan sa mga pagdinig sa Senado at sa Kamara. Kailangan makasuhan na, at malaman na sa korte kung mapapatawan na nga ng hustisya para sa mga inaakusa sa kanya. Laging naririnig ang kasabihang “weather-weather lang iyan”. Masama rin lang lagi ang panahon ngayon, kaya baka masama na rin ang panahon para kay Abalos Sr.! Kailangan nang harapin ang lahat!

Show comments