Sa ngayon ang bagyo’y madalas dumating
Kaya itong bansa ay nagugupiling;
Mayaman at dukha ay nahihilahil
Sapagkat may bahang walang makapigil!
Maliit na dampa sa gitna ng nayon
Biglang nagigiba ng bahang daluyong;
Sa lakas ng hangin liparan ang bubong
Kaya ang tahanan ay wasak na ngayon!
At ang mga taong buhay ay magsaka
Sa gitna ng bukid dinatnan ng sigwa;
Ang mga pananim na katatanim pa
Inanod ng tubig ng ulang sagana!
Kahit ang tahanan ng mayamang angkan
Pagdating ng bagyo ay nahihirapan;
Gusaling matibay na tinitirahan
Lubog din sa tubig ng bagyong dumaan!
Ang mga magulang na nagnenegosyo
Nasa bahay na lang dahilan sa bagyo;
Hindi matawagan mga empleyado
Sapagkat bagsak na linyang telepono!
Poste ng kuryente sa lakas ng hangin
Sa mga lansanga’y nakabagsak na rin;
Ang dahon at sanga ng punong malilim
Sa hangin at ulan naging parang papel!
Mga anak nilang nagsisipag-aral
Di rin makapasok nasa kwarto na lang;
Magagandang kotse’t malalaking van
Sa taas ng tubig di makararaan!
Maliit na dampa’t palasyong tahanan
Saanman naroon ay nakatiwangwang;
Mga nakatira’y nagsilikas na lang
Dahil umawas na ang katabing dam!
Bagyo’y mahalaga sa buhay ng tao
Pagka’t naglilinis ng dumi ng mundo;
Pero dahil ngayon ang marumi’y tayo
Kaya tayo ngayon ang tangay ng bagyo!