HANGGANG ngayon, baha pa rin sa maraming bayan sa Pampanga at Bulacan na dinulot ng bagong “Pedring”. At hindi pa nababawasan ang baha ni “Pedring”, nagbuhos na naman ang bagyong “Quiel”. Ang Isabela at Cagayan na naman ang binayo ni Quiel.
Baha at pagguho ng lupa ang kinatatakutan ng mamamayan kapag nananalasa ang bagyo. Mas mapanganib ang baha sapagkat kayang wasakin ang mga konkrerong tirahan. At ang pagbaha rin ang dahilan kung bakit gumuguho ang mga bundok na naglilibing sa mga taong nasa paanan. Isang halimbawa ay ang pagguho ng bundok sa Bgy. Ginsaugon sa Leyte ilang taon na ang nakararaan. Nabura sa mapa ang Ginsaugon. Maraming inilibing na tao. Hindi nakaya ng hubad na bundok ang maraming tubig na dulot ng pag-ulan kaya naguho.
Marami nang namatay sa baha at pagguho ng lupa at kung hindi makakakita ng angkop na solus-yon sa problema, magpapatuloy ang pagkaubos ng tao. Sa pananalasa ng bagyong “Pedring” noong Martes, 58 katao na ang naitatalang namatay dahil sa pagkalunod at pagghuho ng lupa. Grabeng naapektuhan ni “Pedring” ang mga probinsiya sa Northern at Central Luzon kasama ang Metro Manila. Sa Ilagan, Isabela, umabot hanggang bintana ng bahay ang taas ng tubig kaya umakyat sa bubong ang mga residente. Walang ipinagkaiba sa nangyari nang manalasa sa Metro Manila si “Ondoy” noong Setyembre 26, 2009 na nag-akyatan din sa bubong ng kanilang bahay ang mga residente para hindi tangayin ng baha. Mahigit 300 ang namatay dahil kay Ondoy.
Mabilis tumaas ang tubig at sa isang iglap ay na-ging dagat ang maraming probinsiya. Ayon sa mga residente sa Ilagan, Isabela at sa Aurora province, hindi naman ganito ang nararanasan nila noon. Hindi tumataas nang hanggang bintana ang tubig. Nakakaranas sila ng baha, pero lubhang kakaiba ang bahang dulot ni “Pedring”.
Wala nang mga punungkahoy sa bundok at sa pampang ng mga ilog. Ito ang maaaring dahilan kaya may mga pagbaha. Pinutol na mga ganid na loggers ang mga malalaking punongkahoy na pumipigil sa pagbaha. Ang kawalan din ng mga puno ang dahilan kaya gumuguho ang lupa.
Walang ibang solusyon sa problemang ito kundi ang puspusang pagtatanim ng mga puno at iba pang halaman na pipigil sa tubig at magpapatibay sa lupa upang huwag gumuho. Lahat ay dapat kumilos. Hindi dapat iasa sa gobyerno ang pagtatanim ng mga puno. Mag-kusa na ang bawat isa para makaligtas sa mga darating na trahedya na dulot ng pagbaha at pagguho ng lupa.