NOONG Martes ng gabi nagulantang ang mga taong naglalakad sa baha sa T.M.Kalaw, Ermita, Manila nang may marinig silang putok ng baril mula sa loob ng MPD Tourist Police Detanchment. Agad may nag-text sa akin para ipaalam ang nangyayari. Nalaman ko na dalawang bagitong pulis pala na naka-assign sa naturang detachment ang nagbarilan. Alam ba ninyo kung bakit? Nagkainitan pala sina PO1 Joseph Vistan at ka-batch mate na si PO1 William Cristobal dahil lamang sa sukli sa pinabiling sardinas. Ang kitid din naman ng mga isip ng mga ito.
Nahinuha ko naman na baka dahil sa labis na gutom ng mga ito matapos lumusong sa baha kaya tumaas ang blood pressure, he-he-he! Pilit pang itinago ng kanilang hepe na si Senior Insp. Jovin Sicat ang pangyayari subalit napag-alaman ko na ang pagbabarilan ng dalawa ay dahil lamang sa pagbibiro ni Vistan ukol sa sukli sa ipinabiling sardinas ni Cristobal. Tinamaan sa balikat si Vistan at isinugod sa Manila Doctors Hospital at saka inilipat sa Philippine General Hospital. Isinuko naman ni Cristobal ang kanyang baril at saka nagtago.
PNP chief Director General Nicanor Bartolome? Ganyan na ba kakitid ang utak ng ilang pulis natin? Ang dapat sa dalawang pulis na ito ay isailalim sa schooling upang matuto para hindi pamarisan. Naniniwala ako na hindi lahat ng pulis ay makikitid ang isip at kung tutuusin iilan lamang sila sa hanay ng PNP na dapat walisin. Get nyo sir!
* * *
Pinupuri ko si Senior Insp. Macario Mailon ng Police Community Precinct 8 ng Manuyo Dos, Las Piñas City dahil sa mabilis na aksyon para masagip ang buhay nina Vernon Melchor y Galatierra at anak nito. Nakatanggap ng tawag si Senior Insp. Mailon na isang lalaking ang galit na galit ang tinutukan ng baril si Vernon habang akay ang anak sa Ignaciuos St., St Joseph Subd., Pulang Lupa Dos. Mabilis na tinungo ni Senior Insp. Mailon kasama sina SPO1 Eduardo Gregorio, PO2 Rogelio Abala at PO1 Aurello Bautista ang lugar kaya hindi natuloy ang balak ng suspek na si Remedio Clarido laban sa mag-ama.
Yan ang dapat tularan ng mga pulis, unahin muna ang kaligtasan ng mamamayan bago ang pangsariling kapakanan. Kung sabagay kapag magaling daw ang puno gayundin ang bunga. Mukhang maraming natutunan ang mga pulis ng Las Piñas Police sa magandang pamamalakad ni Senior Supt. Romulo Sapitula kaya pinaka-mababa ang krimen sa nasabing lugar.