^

PSN Opinyon

Asawang nakaseguro

IKAW AT ANG BATAS! - Jose C. Sison -

MAG-ASAWA sina Tony at Aida. Executive sa isang ma­laking kompanya sa Makati si Tony at malaki ang suweldo. Dahil malayo ang takbo ng isip, maaga pa lang ay naghahanda na siya para sa kanyang kinabukasan, kumuha siya ng isang endowment life insurance na nagkakahalaga ng isang milyon. Babayaran ito sa kanyang estate o sa magi­ging administrador ng kanyang mga naiwang ari-arian kung patay na siya o kahit sa kanya mismo kung sakali at buhay pa siya kapag natapos na ang tinakdang panahon sa policy. Dahil sanay mag-isip para sa hinaharap, tinatanong ni Tony kung ano ang klasipikasyon ng perang matatanggap, ito ba ay conjugal at pag-aari nilang mag-asawa o hiwalay niyang ari-arian?

Kung ang pera na ibinabayad sa premium ay nanggagaling sa kanyang suweldo, ayon sa batas, lahat ng natatanggap na suweldo magmula mag-asawa ang isang tao ay ituturing na conjugal (Art. 153 (2) Civil Code). Dahil dito natural na ang matatanggap na proceeds ay ituturing din na pera nilang mag-asawa o conjugal. Ngunit kung mapapatunayan ni Tony na manggagaling sa hiwalay niyang pera ang ibabayad sa seguro, ang insurance proceeds ay ituturing na hiwalay niyang pag-aari (4 Llerena 385). Karaniwan sa batas (Art. 160 Civil Code, Succession of Budding, 108 La. 406 32 So. 361), na kung walang katibayan na maipapakita sa pinanggalingan ng ibinayad sa premium, ipagpapalagay itong conjugal.  

Kung sakali at legally separated sina Tony at Aida bago mamatay ang lalaki at ipagpatuloy ni Tony ang pagbabayad sa premium pagkatapos nilang maghiwalay, ituturing pa rin na conjugal o pagmamay-ari ng mag-asawa ang matatanggap na proceeds. Matatanggap ni Aida ang kalahati pero ibabawas siyempre dito ang naibayad na premium ni Tony pagkatapos payagan at ideklara ng korte ang kanilang paghihiwalay (Berry vs. Franklin State Bank, 186 La. 620173 So. 126).

Sa mga sumusunod na kaso, ang matatanggap na proceeds ng insurance ay ituturing na hiwalay na pagmamay-ari ng asawa kahit pa ang ipinambayad na premium ay galing sa conjugal funds: (1) Sa mga life insurance policy na kinuha sa panahon na hindi pa kasal ang sangkot, babayaran lang ang conjugal partnership sa mga ibinayad sa premium (succession of Lewis, 142 La. 7 189 So. 118); (2) Sa mga life insurance policy kung saan nakaseguro ang buhay ng asawa pero ang ginawa niyang benepisyaryo ay ang kanyang kabiyak at kahit pa galing sa conjugal funds ang perang ibinayad, ang asawang benepisyaryo lang ang magiging may-ari ng matatanggap na pera. Ituturing na siya ang pinagbigyan ng donasyon ng premium ng kanyang asawa at sagutin lang niya na ibalik sa conjugal funds ang kalahati ng mga naihulog na premium; (3) Joint Insurance o magkatuwang na nakaseguro ang mag-asawa sa iisang insurance policy kung saan ibibigay ang proceeds sa kung sino man sa kanila ang maiiwang buhay. Ituturing ito na donasyon ng mag-asawa sa isa’t isa (8 Planiol & Ripert 261); (4) Ibang tao (third person) ang nagseguro sa isa sa mag-asawa at ang benepisyaryo ay ang kabiyak. Itutu­ring na regalo ito sa asawa ng ibang tao at hindi magiging pera nilang mag-asawa kundi hiwalay niyang ari-arian.

vuukle comment

AIDA

ASAWA

CIVIL CODE

CONJUGAL

DAHIL

FRANKLIN STATE BANK

INSURANCE

KUNG

MAG

PREMIUM

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with