Pangangailangan sa fire trucks
NAPAKARAMING insidente ng sunog sa ating bansa. Fire trucks ang “frontline of response” ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa ilalim ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa ganitong mga pangyayari at sa iba pang sitwasyon na nangangailangan nang mabilisang pagresponde.
Pero limitado lang ang fire trucks ng BFP, at karamihan pa sa mga ito ay luma at depektibo. Umano’y kailangan ng hindi bababa sa 1,600 units ng fire trucks ang BFP para makaresponde sa sunog.
Inihayag kamakailan ni DILG Secretary Jesse Robredo na may hakbangin ang ahensiya sa problema sa fire trucks. Gayunman, napag-alaman ng aking anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada na ang nais ma-acquire ng DILG ay Rosenbauer fire trucks mula sa Austria na umano’y P20-milyon bawat unit. Base sa plano ng DILG, bibili muna sila ng inisyal na 76 units ng Rosenbauer fire trucks sa halagang P1.3 bilyon, bilang bahagi ng target ng ahensiya na bumili ng kabuuang mahigit 1,000 units sa mga susunod na buwan.
Kinuwestiyon ni Jinggoy kung bakit mas gusto ng DILG na bilhin ang Rosenbauer equipment kaysa sa Philippine-made fire trucks na nagkakahalaga lang ng P9-milyon bawat isa. Hindi naman nalalayo ang kalidad sa imported fire trucks at “especially-designed” pa mismo para sa kondisyon ng ating bansa.
Ang pagpapalakas ng kapasidad ng BFP ay noon pa isinusulong ni Jinggoy sa ilalim ng kaniyang Senate Bill Number 570 (Fire Protection Modernization Act). Aniya, dapat itong isagawa sa paraang transparent, praktikal at makatuwirang pagma-maximized ng pondo ng bayan.
- Latest
- Trending