Bilyong dolyar na puhunan mula Japan bitbit ni P-Noy
AYON kay Executive Secretary Paquito N. Ochoa, Jr. aabot sa $1.4 bilyon na puhunan ang inaasahang papasok sa bansa matapos ang apat na araw na pagdalaw ni Pangulong Noynoy Aquino sa Japan.
Iyan naman ang puntirya ng lahat ng state visits ng sino mang Pangulo kaya diyan umaasa ang taumbayan. Ang katumbas ng mga investments na iyan ay trabaho sa mga kababayan natin bukod pa sa kalusugang maibibigay nito sa ekonomiya.
“Wala pong duda sa tagumpay ng ating biyahe. Sa loob lamang nang apat na araw, dumalo po tayo sa 36 na iba’t ibang pulong at mga pagtitipon kung saan may $1.4 bilyon na halaga ng mga bagong negosyo at pamumuhunan ang tiyak na papasok mula sa Japan. Ito po ay sa mga sektor ng enerhiya, pabrika, at mga serbisyo,” anang Pangulo sa kanyang talumpati nang siya’y dumating matapos ang biyahe.
Ani Ochoa, muling naitampok ang bansa bilang lugar para sa mga investors na makasisiguro nang patas at matapat na pakikitungo.
Kahanga-hanga ang Japan! Kung tutuusin, ang naganap na lindol at tsunami kamakailan ay malaking dagok sa ekonomiya nito. Gayunman, habang nakatutok sila sa rehabilitasyon ng bansa, patuloy silang magbibigay ng Official Development Assistance sa Pilipinas bilang tulong sa ating Philippine Development Plan at sa Public-Private Partnership program. Ayon kay Ochoa, nagagalak ang Pangulo sa ganitong uri ng malasakit ng Japan.
Pag-iibayuhin din ang pagtutulungan ng dalawang ban
sa sa disaster prevention and management, gayundin sa pagtugon sa suliranin sa pagbabago ng klima. Nilagdaan nina P-Noy at Noda ang isang Forestland Management Project.
Natamo rin ng Pilipinas ang suporta ng Japan sa pagpapanatili ng katiwasayan sa pinag-aagawang West Philippine Sea.
“Pareho naming kinikilala na magandang hakbang ang pagtanggap sa Guidelines for the Implementation on the Conduct of Parties in the South China Sea,” ang pahayag ng Pangulo.
Bukod sa isyung pangkabuhayan, nag-usap din sina P-Noy at Noda tungkol sa turismo at teknolohiya sa impormasyon at pati ang pangangailangang palakasin ng Pilipinas ang tanod-baybayin nito.
- Latest
- Trending