^

PSN Opinyon

'Pride' Chicken

- Tony Calvento -

Huwag kang manlait ng iyong kapwa dahil baka ang kanilang kahihiyan ang tanging meron sila sa kanilang buhay.  

MURDER ang kasong inilalapit sa amin ni Chrisanta “Santa” Miguel. Pinatay ang kanyang asawa na si Andrino Miguel, 54 na taong gulang.

Si Santa ay nagtatrabaho bilang kasambahay sa Maynila. Si Andrino naman ay nasa probinsya ng Narciso, Quezon upang magtanim. Tuwing sweldo umuuwi si Santa para makasama ang asawa. Dalawampu’t limang taon na silang kasal ni Andrino subalit hindi sila nabiyayaan ng anak.

“Kaming dalawa na nga lang ang magkasama, pinatay pa siya. Sobrang sakit hanggang ngayon, hindi ko matanggap,” sabi ni Santa.

Ang kaibigan at kagawad sa Barangay Binay, Narciso, Quezon na si Rodrigo Paje alyas “Onyo” ang tinuturong namaslang kay Andrino.

Ika-10 ng Marso 2010, bandang alas-8:00 ng gabi, nakatanggap ng tawag si Santa. Ito raw ay si Jerry Montañez, pinsan ng asawa. Wala na raw si Andrino. Hindi na ito nakaabot sa ospital. 

“Kakakausap ko pa lang sa kanya dahil pinaghahandaan namin ang Silver Anniversary ng kasal namin,” wika ni Santa.

Nagpaalam si Santa sa kanyang amo. Humiram na rin siya ng pera pamasahe pauwi. Habang nakasakay sa bus nagdadasal si Santa at sinasabing “Sana panaginip lang ang lahat”. Unti-unting bumalik sa kanyang isipan ang ala-ala ng asawa.

Pagdating sa kanilang bahay sa Quezon nadatnan niya ang bangkay ng kanyang asawa na nasa papag. Malinis na ito ngunit hindi pa nakalagay sa kabaong dahil walang pera ang mga tao doon.

Niyakap ni Santa ang malamig na katawan ng mister. Na­ngako siya na ipaglalaban niya na mabigyan ng hustisya ang sinapit nito. Si Santa na ang gumawa ng paraan para magkaroon ng maayos na lamay ang mister.

Sa burol ni Andrino nagkwento ang mga kapitbahay. Sinabi nila na nagkainuman pa raw ang suspect na si “Onyo” kasama si Andrino.

Si Onyo pa raw ang nagpasundo kay Andrino at sinabing “Inom tayo! Luto na ang manok,”.

Mahilig sa mga manok na pansabong si Andrino. Para sa kanya ang mga manok na natalo o nanakbo ay dapat alagaan, sanayin dahil karamihan sa mga takbuhing manok ay mga bata pa.

Pinapatago niya kay Onyo ang ilan sa kanyang mga manok. Nang malaman niya na ang kinakain niyang manok ay ang manok na kanyang pinaaalagaan… naglagot ito. 

“Di ba sabi ko sa’yo huwag mong katayin ang manok! Tatlong beses mo nang ginagawa sa akin yan!” Umuwi si Andrino.

Dinibdib ni Onyo ang sinabi ni Andrino. Pakiramdam nito napa­hiya siya sa harap ng maraming tao at nabawasan ang kanyang pagkalalaki.

Alas-6:30 ng gabi lumabas ng bahay si Andrino upang bumili ng sigarilyo. Naglalakad siya pabalik sa bahay nang mapansin nitong inaabangan siya ni Onyo. Nilapitan siya nito at biglang inakbayan. Sinaksak siya gamit ang isang bolo. Nakasigaw pa ito ng “Tabang!” (Tulong!). Tinaga siya sa leeg, sa dibdib, tagiliran, at tiyan. Tumakas si Onyo.

Naubusan ng dugo ni Andrino hanggang sa mamatay ito.

Ang patunay sa mga istoryang ito ay ang dalawang batang testigo na nasa edad 15 taong gulang. Nagbigay sila ng salaysay sa isang Police Inspector sa patnubay ng kanilang mga magulang.

Ayon kay Ernie, (’di tunay na pangalan) nasa balkonahe siya ng mga panahon na ’yun upang manghuli ng ibon. Nakita niya ang isang lalaking naka-jacket na naglalakad galing sa madilim na sulok. Nakilala niya ito na si Onyo. Sa pinangga­lingang lugar daw ni Onyo natagpuang nakabulagta si Andrino.

Sabi naman ni Mark (’di tunay na pangalan) nakita niya si Andrino na tumatakbo at sumisigaw ng Tabang! (Tulong!). Kumakapit ito sa bakod na tila hirap. Nakita niya ang lalaki na bilugan at nakaitim na jacket. Nagmula raw ito sa kinakasandalang bakod ni Andrino. Nakilala niya itong si Onyo.

Nagsampa si Santa ng kasong Murder sa Prosecutor’s Office ng Gumaca, Quezon.

Kwento ni Santa, meron daw mga pulis na nagpunta sa kanila nung nakaburol pa ang asawa. Pinaliwanag sa kanya na kung may nakapagsabi agad na si Onyo ang pumatay ay nadampot na agad ito.

“Takot lahat sa amin kay Onyo dahil matapang ’yun kaya hindi agad sila nakapagsalita,” sabi ni Santa.

Sa ngayon, nagtatago na si Onyo. Nababagalan si Santa sa usad ng batas. Isang taon na raw ang lumipas ngunit hindi pa rin sila nakapag-‘hearing’. Kahit ‘subpoena’ daw ay wala.

“Tulungan n’yo ko na magkaroon ng hustisya ang pagka­matay ng asawa ko. Ang tagal na nito wala pa ring nangyayari. Nakakalaya pa rin si Onyo,” wika ni Santa.

Itinampok namin sa CALVENTO FILES sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (tuwing 3:00 ng hapon) ang nangyaring ito kay Andrino.

Bilang tulong ini-refer namin si Santa sa Provincial Prosecutor’s Office para malaman kung ano na ang estado ng kasong ito. Napag-alaman namin na ito ay nasa Regional Trial Court (RTC) at nira-‘raffle’ na sa isang judge naghihintay na lang si Santa ng ‘subpoena’ para sa unang pagdinig ng kaso.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, hindi uusad ang kasong ito hangga’t hindi pa nahuhuli itong si Onyo. Wala pang ‘jurisdiction’ ang korte kaya hindi pa mai-schedule ang ‘arraignment’. Kapag kasi ganito ang nangyayari , ina-‘archive’ muna ang kaso hanggang mahuli ito.

Kami’y nanawagan kung sinuman ang nakakaalam sa kina­­ro­roonan nitong si Rodrigo Paje alyas “Onyo”. Bukas ang aming tanggapan para sa anumang impormasyon. (KINALAP NI AICEL BONCAY). Sa gustong dumulog ang aming mga numero, 09213263166 o 09198972854. Ang landline 6387285 at ang 24/7 hotline 7104038 o magpunta sa 5th floor CityState Center bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado.

* * *

Email: [email protected]

ANDRINO

ONYO

QUEZON

SANTA

SIYA

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with