MARAMING bagong salita sa ilalim ng administrasyon ni P-Noy. Namili man siya ng ilang dating alipores ni Gng. Arroyo, mayorya pa rin ng hinirang ay first timers na bitbit niya mula sa pribadong sektor. Sa balikat nitong mga bagong mukha kinarga ang mabigat na tungkulin ng pamamahala.
May kasabihang “public service is its own reward”. Inaasahang ang lahat ng magprisintang maglingkod ay walang hihilinging kapalit dahil ang pagkakataong makatulong sa bayan ay sapat nang kabayaran. Sa mga nag-aakalang puro kagaanan ng loob ang makukuha sa marangal nilang pagpawis, mag-isip isip silang muli. Ang public service ay para ring pelikula. May komedya at mayroon ding trahedya. Ang gaan ng loob ay may katapat na bigat ng loob sa anyo ng katakut-takot na batikos na sasaiyo kahit wala kang ginagawang masama. Ganyan talaga ang nasa gobyerno sa tuwing may tatanguan ka, mayroon kang matatanggihan. At lahat ng hindi makuha ang gusto ay maaasahan mong sa iyo ang buntong ng sisi sisi sa anyo ng kritisismo.
Dito pumapasok ang culture shock. Kakaiba ang kritisismo pag ika’y nasa gobyerno. Kung sa pribadong sektor ay mayroon kang kaaway, away n’yo lang dalawa iyon o limitado sa mga grupong katrabaho o kakilala. Sa pampublikong sektor, dahil pampublikong trabaho ang iyong hinahawakan, karapatan din ng publikong makaalam. Mas laganap tuloy at lumalawak ang sirkulo ng nakakabasa, nood at dinig ng kritisismo dahil sa publisidad. Ang ganitong kritikal na pagmamasid ay malaki ang naitutulong upang mapataas ang antas ng mabuting pamamahala.
Ang masama’y dahil sa publisidad, kapag may nagparatang sa iyo ng hindi naman totoo, halos wala kang kadepe-depensa. At humabol ka man ng katarungan sa hukuman, ang isasagot sa iyo’y huwag kang balat sibuyas kasama yan sa trabaho.
Ganun talaga. Ang mga nasa serbisyo ay malamang masugatan kahit minsan sa kanilang buhay ng hindi makat-wiran at hindi makatarungang akusasyon. Masakit ito. Subalit ito’y sakripisyong kaila-ngang tiisin sa ngalan ng malinis na paglilingkod. Ang pinakamabisang gamot sa lalim ng sugat ay ang ginha-wang dulot ng malinis na konsensiya.