UMAMIN ang Quezon City register na mali niyang tinitulohan nang bago ang isang land grabber sa walong subdivisions. Binantaan kasi umano siya ng dalawang huwes ng pagkulong at multa kung sumuway sila sa utos nila na magtitulo. Sa Iloilo at Ormoc nakabinbin ang mga kaso laban sa nagtakbo ng pera ng libu-libong depositors sa Legacy Group. May sakit kuno siya, kaya ayaw payagan ng huwes sa Tacloban ang city jail warden na ipa-arraign ang dalawang lugar. Sa buong bansa laganap pa rin ang salot na droga. Maya’t maya nababalita na inabsuwelto ng huwes ang narco-trafficker dahil kuno sa maling sakdal at mahinang ebidensiya.
Palala nang palala ang pagdududa ng mamamayan sa husgado. Bawat pamilya ay may masakit na karanasan ng kawalan-hustisya dahil sa pagbaluktot ng huwes sa desisyon. Mahirap patunayan ang mga nagaganap sa loob ng naka-kandadong silid. Pero nagpapabayad daw ang ilang huwes, pati justices ng Court of Appeals, para pumabor sa maski mali na kaso.
Kung may usok, may sunog; kung may gan’ung bulung-bulongan, may batayan. Pero mahirap magsampa ng kaso laban sa sinumang mahistrado. Magkakaibigan sila. Meron silang mga samahan sa kani-kanilang lungsod at probinsiya; naggo-golf at nagsasama sa parties. Mas malamang na magtakipan sila ng dumi kaysa magsuplongan.
Kailangan ng pagbabago. Ang maari lang magsimula nito ay ang Korte Suprema. Kaso, may mga mahistrado mismo sa Kataas-taasang Hukuman na may malalalang pagkakamali na pinagtatakpan ng mga katoto. Ni hindi nila maisa-publiko ang kanilang mga Statements of Assets and Liabilities, bagamat utos ito sa Saligang Batas.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com