Editoryal - Insulto
MASYADO namang naging taklesa si US Ambassador to the Philippines Harry Thomas nang sabihin niyang 40 percent ng mga nagtutungong lalaking turista sa Pilipinas ay para lamang maki-pagtalik. Napakalaki ng porsiyentong ito at masasabing insulto sa mga Pilipino. Para bang sinabi ni Thomas na wala nang maganda sa Pilipinas kundi ang makipagtalik lamang o magparaos lamang. Mas- yado naging mapangahas sa pagsasalita si Tho-mas na hindi bagay sa katulad niyang Ambassador. Totoo na may mga lalaking turista na nagtutungo rito para makipagtalik sa babae, bakla at maski sa mga bata pero ang sabihing 40 percent, sobra naman ito. Ginawa niyang lugar ng mga “pokpok” ang Pilipinas sa kanyang binitawang pananalita.
Kaya hindi masisisi si Sen. Panfilo Lacson para sabihing dapat humingi ng paumanhin si Thomas sa kanyang mga sinabi na tila wala namang basehan. Kung hindi raw niya lilinawin ang mga sinabi, mas makabubuting magbalot-balot na siya ng gamit at umuwi sa kanyang bansa. Ayon kay Lacson, undiplomatic ang kanyang ginawa. Sabi naman ni Senate President Juan Ponce Enrile, hindi siya naniniwala sa statistics na binigay ni Thomas. Saan daw kaya nakuha ni Thomas ang figure na napakalaki. Dapat daw i-clarify ni Thomas ang kanyang sinabi.
Marami pang umalma sa mga sinabi ng Ambassador. Isang malaking insulto sa mga Pilipino lalo sa mga Pinay. At habang marami ang umaalma, tahimik naman ang grupo ng mga kababaihan sa sinabi ni Thomas. Bakit hindi nila batikusin si Thomas na ang mga sinabi ay may pag-insulto sa mga kababaihan. Ngayon sila mag-rally at ipakitang mali ang nakuhang impormasyon ni Thomas. Ipakita nilang hindi “parausan” lang ang mga babae sa Pilipinas.
Sa sinabi ni Thomas, malaki naman ang papel na dapat gawin ni Tourism secretary Ramon Jimenez para mapawi ang pang-iinsultong sinabi ng US ambassador. Ipakita ni Jimenez na mali ang sex tourism na sinabi ni Thomas. Dito makikita kung gaano siya kahusay sa turismo. Umpisahan na habang sariwa pa ang kontrobersiyang ginawa ng taklesang ambassador.
- Latest
- Trending