MARAMI ang naniniwala na mabibigo ang Palestine sa hirit sa United Nations na makapagtayo ng isang mala-yang nasyon sa loob ng Israel at maging full time member ng UN. Sa mga naniniwalang di dapat mahati ang Israel, ibayong panalangin pa ang kailangan.
Sa pinakahuling balita, nagpupulong na ang U.N. Security Council kaugnay ng resolusyon ng Palestine para sa pagsasarili at pagkakaroon ng full-membership sa UN. Kinumprirma ito ni Council President Nawaf Salam ng Lebanon matapos ang preliminary talks sa New York. Nauna nang sinabi ni US President Obama na ibi-veto nito ang resolusyon subalit hati umano ang 15-bansang kasapi ng UN. Dahil dito’y bubuo ng special committee para talakayin at pag-aralang mabuti ang resolusyong iniharap ni Palestinian President Mahmoud Abbas.
Balita ko, nasa likod ng Israel ang Amerika sa pagla-lobby para huwag maaprobahan sa UN Security Council ang resolusyon.
Masalimuot ang isyu. Kung tutuusin, pinakamalaking bahagi na ang sakop ng mga Arabo sa Middle East at kakatiting ang lupain para sa Israel. Kung naniniwala kayo sa Biblia na katulad ko, iisa ang pinagmulan ng mga Arabo at Israeli. Kapwa sila mula sa lipi ni Abraham. Inanakan ni Abraham ang babaeng alipin niya na si Hagar at isinilang si Ishmael. Sa tunay niyang asawang si Sarah, isinilang si Isaac. Si Isaac ang naging ama ng lahat ng Israelita at si Ishmael ang naging ama ng mga Arabo.
Parehong may pangako si Abraham kina Isaac at Ishmael ngunit mas lamang ang kay Isaac dahil siya ang anak sa lehitimong asawa. Kung sakop na lupain ang pag-uusapan, halos buong Middle East ay sa mga Arabo na at kakatiting ang sa mga Israeli. Huwag na sanang mabawasan pa ito. Batid ko naman na komo chosen nation ng Diyos ang Israel, hindi ito pababayaan.
Let’s pray for Israel. Ang magpapala sa Israel ay pagpapalain at ang susumpa rito’y susumpain din. Iyan ang sabi ng Salita ng Diyos.