Simpleng sintomas lang, pero grabe na pala! (Part 1)

MAY mga nararamdaman ang pasyente na akala natin ay normal lang, pero masama na pala ito. Huwag baliwalain ang mga sintomas na ito:

Nagbago ang nunal – Posibleng kanser sa balat o melanoma. Ang nunal na hindi pantay-pantay ang gilid at hugis ay dapat ipasuri. Lalo na kung nagbago ang anyo nito, naging mas-maumbok o lumaki ito. Pumunta sa isang dermatologist. Delikado ang melanoma. Mabilis itong kumalat at nakamamatay ito.

Namumula ang palad – Posibleng nasisira ang atay (liver cirrhosis) o kanser sa atay. Isang senyales ng sakit sa atay ang pamumula ng palad na kung tawagin ay palmar erythema. Kapag malala na ang sakit sa atay, puwede maging madilaw ang pasyente at may pangi­nginig din ng kamay.

Nagbago ang ugali – Posibleng kanser sa utak, kombulsiyon o Alzheimer’s disease. Hindi lahat ng tumor sa utak ay nagdudulot ng sakit ng ulo. May mga tumor sa harapan (frontal lobe) ng utak na ang unang sintomas ay ang pagbabago ng ugali.

Ang Temporal Lobe Epilepsy ay isang kakaibang sakit na kombulsyon kung saan hindi nawawalan ng malay ang pasyente. Puwedeng makaranas lang siya ng matin-ding emosyon o may nakikita o naaamoy na wala naman talaga (hallucinations). Ang iba naman ay may paulit-ulit na ginagawa sa kanilang mukha, bibig o isang parte ng katawan. Parang abnormal kung tingnan. Hindi alam ng ibang nakakakita, kombulsyon na pala iyon.

Laging naiinitan, laging pinapawisan at kumakabog ang dibdib – Ito ang mga sintomas ng goiter o hyperthyroidism. Kailangan ipa-check ang thyroid para magamot ito ng maaga. Delikado ito kapag pinabayaan.

Namamaos – Posibleng kanser sa lalamunan. Ang pangkaraniwang dahilan ng pamamaos ay ang sobrang pagkanta, pagtalumpati, o pag-sermon sa asawa. Kapag hindi ito umigi ng 2 linggo, kailangan magpa-check sa isang ENT specialist para masuri ang vocal cords.

Bukol sa katawan – Karamihan ng bukol sa katawan ay dahil sa lipoma o iyung taba lamang. Hindi po ito delikado. Pero posible din na may masasamang bukol. Halimbawa, ang bukol sa suso ay puwedeng kanser. Ganoon din ang mga bukol sa thyroid at sa gilid ng leeg. Maaaring kulani ito dulot ng impeksiyon o tuberculosis sa baga. Ipasuri ito sa doktor para malaman kung okay lang ito.

Namamayat – Baka kanser na pala. Kahit anong pamamayat ng walang dahilan ay dapat imbestigahan. Kapag pumayat ng 10 pounds at hindi naman nag-di-diyeta, magpa-check up. Ang iba pang sintomas ng kanser ay ang pamumutla at panghihina ng katawan. Kung may duda kayo sa inyong katawan, magpakonsulta sa doktor.

Show comments