Juan Time
ANG aking anak ay labing isang taong gulang na at nasa grade 5. Mula nang magkamalay ito’t nag-umpisang pumasok sa paaralan, lagi na lang niyang litanya sa umaga ang huwag sana siyang ma-late sa iskwela. At hindi nga ito nale-late. Ang karaniwang dating niya sa iskwelahan ay 30 minutes bago mag-bell.
Sa kanyang kabataan, naunawaan ng Pinoy ang kahalagahan ng pagiging on-time. Nanunuot pa sa buto ang kahihiyan kapag hindi ito makasunod sa oras na tinakda para sa lahat. Subalit sa kanyang pagtanda, may nagbabago. Ang respeto sa tamang oras ay naglalaho at napapalitan ng kampanteng pagtanggap na ok lang ang ma-late ng kaunti – hanggang 30 minutes! Napakalawak na ng ganitong pag-iisip sa lipunan na naging bahagi na ng ating kultura ang pagtanggap sa kaugaliang ito kung kaya’t nabansa- gan pa ito ng sarili nitong tawag na “Filipino Time”.
Para bang sa pagkilala dito ay nababawasan ang masamang pagtingin sa isang gawaing kung tutuusi’y kabastusan. Hindi lang ito kawalan ng respeto sa kapwa, kawalan din ito ng pagiging produktibo dahil sa oras na nasasayang. Kung i-suma total ang lahat ng “kaunting” oras na nauubos sa paghintay sa “filipino time” ng ka-appointment mo, malaki laki rin ang nawawala. Higit sa lahat, pruweba ito ng kawalan ng disiplina. Ang Filipino time ay pambansang kahihiyan.
Kaya ok ang kampanya ng Department of Science and Technology na ipaalala muli sa Pilipino ang kahalagahan ng pagiging on-time lagi. Ang proyektong “Juan Time” ay naglalayong isanay ang Pilipino sa iisang official Philippine timekeeper – ang PAGASA Philippine Standard Time (PST) – at sa epektibong time management upang hindi siya malusotan ng mga mahahalagang bagay dahil lang naubusan ng oras.
Noong nabubuhay pa si President Cory, isa sa pinakasiryoso niyang adhikain ay ang pagtulak ng mga hakbang upang mahango ang Pilipino sa nakasanayan nang bisyo ng pagiging late. Isa ito sa mga programang napapanahon at karapat dapat lamang na itaguyod ng administrasyon ni President Noynoy.
* * *
Isang taos pusong pagbati sa readers natin sa PLM na la-ging nasa Juan Time sa pangunguna ni Mr. Edmund Ordinario ng Accounting Department.
- Latest
- Trending