^

PSN Opinyon

Madrasta vs anak ng unang asawa

IKAW AT ANG BATAS! - Jose C. Sison -

SI Demetrio ay may apat na anak sa unang asawa. Namatay ang kanyang asawa noong 1940. Nag-iwan ang kanyang asawa ng huling testamento kung paano hahatiin ang kayamanang iniwan. Habang inaayos ang ari-arian, pinakasalan naman ni Demetrio si Minerva. Bago pa matapos ang pag-aayos ng naiwang ari-arian ng unang asawa, namatay naman si Demetrio. Hiningi ni Minerva na siya naman ang gawin ng korte bilang administrador ng naiwang ari-arian ni Demetrio.

Hindi naging maganda ang relasyon ng mga anak sa unang asawa at ni Minerva. Iba’t ibang kaso at kontra asunto ang isinampa nila laban sa isa’t isa hanggang magkaroon ng 18 kaso na dinidinig sa korte. Nabinbin tuloy ng may 25 taon ang pag-aayos ng estado ng naiwang ari-arian ng unang asawa ni Demetrio. Para matapos na ang lahat ng kaso, nagkasundo ang mga anak at ang madrasta nilang si Minerva na pumirma sa compromise agreement kung saan pumapayag ang mga anak na bibigyan nila si Minerva ng P800,000.00 bilang kabuuan at kumpletong parte niya sa mga ari-arian ni Demetrio at sa una nitong asawa. Ang perang tatanggapin niya bilang kabayaran ay manggagaling sa tatanggapin na bayad sa ilang ibinebentang lupa ng namatay na mag-asawa sa probinsiya ng Rizal.

Nang masumite na sa korte para aprubahan ang kasunduan, saka naman nagbago ang isip ni Minerva. Baka sa sulsol na rin ng kanyang mga abogado, inatake niya ang legalidad ng kasunduan dahil hindi raw puwedeng pumasok sa ganoong kasunduan ang mga tagapagmana gayong may iniwan din na huling testamento si Demetrio at hindi pa ito naaaprubahan ng korte. Tama ba si Minerva?

MALI. Ang tanging layunin lang ng kasunduan ay upang ibigay kay Minerva ang magiging parte niya sa naiwang ari-arian ni Demetrio at ng una nitong asawa. Pinag-uusapan lang dito ay kung ano ang tatanggapin niya kahit pa aktuwal o inaasahan pa lamang at hindi ang mismong paghahati-hati ng ari-arian sa mga taga­pagmana ni Demetrio lalo at hindi pa naaaprubahan ng korte ang kanyang huling testamento. Ang karapatan naman ng isang tagapagmana ay nagkakaroon ng bisa sa sandali na mamatay ang magbibigay ng mana sa kanya kaya walang legal na hadlang para ipamigay naman niya ang kanyang matatanggap bilang taga­pagmana kahit hindi pa niya alam kung gaano pa kalaki ang kanyang magi­ging parte. Bilang may-ari ng magiging parte niya sa mamanahin, puwedeng ipamigay ito ni Minerva sa kanyang mga kapwa taga­pagmana. Malinaw ito sa batas (Art. 1088 Civil Code) ayon sa desisyon sa kasong De Borja vs. De Borja, 46 SCRA 577.

ARI

ARIAN

ASAWA

CIVIL CODE

DE BORJA

DEMETRIO

KANYANG

MINERVA

NIYA

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with