Malamya ang kaso ni Pagdilao kay FG
SIYA lang ang nakakaalam ng sariling intensiyon. Pero ang hablang plunder ni PNP Dir. Samuel Pagdilao laban kay dating First Gentleman Mike Arroyo ay parang ‘yung mga paspasan at sadyang pinahina na impeachments laban kay Presidente Gloria Arroyo. Idiniin ni Pagdilao mismong ang mga nagsuplong ng 2009 PNP chopper scam, habang pinalusot ang mga nagtatakip nito. Ibasura sana ng Ombudsman ang malamyang habla. Hintayin na lang nila ang rekomendasyon ng Senate Blue-Ribbon Committee, na tunay at malalimang nag-imbestiga nito.
Usapan nina Pagdilao at mga senador na mag-hintayan sa parallel investigations nila. Pero sa kung anong misteryosong dahilan, inunahan sila ni Pagdilao sa pagpunta sa Ombudsman. Hinabla ng plunder sina Arroyo, dating interior secretary Ronaldo Puno, dating PNP chief Jesus Verzosa, at 11 retirado at aktibong heneral at koronel. Nabigla si Sen. Panfilo Lacson, na siyang nagbisto ng pagbenta ni Arroyo ng dalawang lumang helicopters sa PNP bilang brand new. Isa pang hearing ang nakatakda noon ng Committee, kaya wala pa silang desisyon kung non-bailable plunder o simpleng graft lang ang isasampang kaso.
Kabilang sa mga hinabla ni Pagdilao sina aviation businessman Archibald Po at executive Renato Sia. Hindi niya isinama ang mga papeles nila na nagpapakitang wala silang papel sa scam. Bukod du’n, binigyan sila at si PNP supplier Larry de Vera ng Senado ng immunity mula sa kaso na maari lumitaw mula sa kanilang testimonya. Apat sa limang testigong nilista ni Pagdilao ay sina Po at Sia mismo ang nagdala.
Kataka-taka, in-exclude ni Pagdilao sa kaso ang congressman-kapatid ni Mike na si Iggy, at personal bookkeeper Rowena del Rosario, na nagtangkang pagtakpan ang scam at ilihis ang inquiry ng Senado.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest
- Trending