Editoryal - Daming matutuwa kapag may nakulong na corrupt
SA susunod na taon daw ay maaaring may makulong ng corrupt official, sabi ni President Noynoy Aquino nang makipagkita sa mga Pinoy sa Tokyo, Japan. Apat na araw na nasa Japan si Aquino para makipagkita sa mga Pinoy partikular ang mga nasalanta ng lindol noong Pebrero. Hindi na nagpaliguy-ligoy si P-Noy sa pagsasabing ang mga opisyal sa nakaraang administrasyon na nagpasasa sa pera ng bayan ay maaari nang sampahan ng kaso bago matapos ang 2011. Malaki raw ang paniwala ng presidente na mapaparusahan ang mga ito sa susunod na taon.
Kapag nagkatotoo ang mga sinabi ni P-Noy, lalo pang tataas ang kanyang rating. Kasi’y wala pang presidente ng Pilipinas na nakapagtapon ng corrupt sa bilangguan at nabulok doon. Maraming corrupt na opisyal ang pamahalaan at patuloy pa rin sila sa pamamayagpag at walang kinatatakutan. Isa sa mga binanggit ni P-Noy ay ang anomalya sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) kung saan may bilyon pisong kontrata para sila suplayan ng kape. Binanggit din niya ang tungkol sa anomalya sa PNP kung saan ay bumili ng segunda manong helicopter sa presyong brand new.
Ang mga nabanggit ng presidente ay ilan lamang sa mga anomalya na kinasasangkutan ng bilyong piso. Sino ang makakalimot sa fertilizer scam na ang pondo ay ginamit para sa 2004 elections. Ano ang nangyari sa Mega-Pacific kung saan ay binayaran ng bilyong piso para sa mga computer na gagamitin sana sa election computerization. Paano ang kaso ni retired AFP general at dating comptroller Carlos Garcia na umano’y kinawat ang mahigit P300 milyong pondo ng sandatahang lakas? Ano na ang nangyari sa “Euro Generals”?
Maraming kaso ng katiwalian. Nakakalula ang mga perang ninakaw. Habang marami ang nagpapasasa sa pera ng bayan, marami naman ang namamatay sa gutom at sakit. Maraming maysakit na mga bata na iniaasa na lamang ng mga magulang sa awa ng Diyos. Ang corruption ang dahilan kaya patuloy na naghihikahos ang bansang ito. Dapat maikulong ang mga kurakot.
Aasahan ng mamamayan ang sinabi ni P-Noy na sa susunod na taon ay mayroon nang corrupt na maikukulong.
- Latest
- Trending