P2.5-B pangsakahan winaldas nina Arroyo
HINDI lang ang First Couple at cronies ang nangulimbat sa siyam-at-kalahating-taon ng Panguluhan ni Gloria Arroyo. Pati kung sino-sino sumali rin sa ipinauso nilang katiwalian. Inulat ng Commission on Audit ang pagwaldas ng P2.5- bil-yong pondong pang-agrikultura nu’ng 2009-2010. Ang ACEF (Agricultural Competitive Enhancement Fund) ay pampasigla sana ng sakahan. Pero bulsa ng tiwali ang pinataba.
Isang undersecretary na diretsong nagre-report noon kay Arroyo ang namahala sa P2.5-bilyong pondo. Kunwari’y ipinautang niya ito sa 264 na “negosyante” bago mag-eleksiyon nu’ng Mayo 2010. Pangtayo kuno ng cold storage facilities para sa gulay, prutas, karne at isda; pambili ng trak at barko ng ani; at iba pang modernong pangangailangan sa kanayunan.
Lumiham ang COA sa 264 na mangungutang. Aba’y 140 sa kanila, na may kabuoang utang na P2.1 bilyon, ay hindi man lang tumugon o hindi na mahanap ang address. Dalawampu’t-pito, na may kabuoang utang na P370 milyon, ang nagsoli ng liham ng COA dahil sa iba’t-ibang palusot. Ilan sa mga “negosyo” , na may kabuoang utang na P66 milyon, ay nagsara dahil umano sa sakuna, tulad ng bagyo, baha at sunog.
Duda ang COA kung masisingil pa ang P2.5 bilyon. Ayon sa sources, raket lang ng mga tiwaling opisyales ang ACEP. Sa pagbigay ng pautang, obligadong isoli agad ng “negosyante” ang 30% sa agriculture officials. Bente-singko porsiyento ay para sa lokal na opisyal (gobernador o meyor o congressman) na tumulong magpalabas ng pondo. Dinididal ng “negosyante” ang balanse.
Ano ang nangyari sa undersecretary na namahala? Nanalo siyang congressman sa Mindanao nu’ng Mayo 2010. Magnanakaw!
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest
- Trending