Pamilyang bayani
Dakila ang ama, dakila ang ina
kaya itong anak posibleng dakila;
Si Ninoy nang buhay hinarap na kusa
yaong kamatayang sa kanya ay handa!
At si Cory naman ay naging pangulo
sapagkat ginusto nang maraming tao;
May mga humadlang sa landasin nito
pero naging tapat doon sa Palasyo!
Kaya itong anak pangulo na ngayon
maraming problema ang sumasalubong;
Kung siya ay tapat bayan ay susulong
siya man ay magiging bayani ng nasyon!
Sa nilalakbay n’ya na tuwid na landas –
naroon sa dulo ang magandang wakas;
Sa kaliwa’t kanan ay maraming ahas –
sana ang tuklawin mga taong hudas!
Kung itong si Noynoy ay magpapatuloy
sa kanyang mithiing bansa ay isulong;
Pagsapit sa dulo ng landas na iyon
magiging sagana ang lahat ng Pinoy!
Marami na siyang magagandang hakbang
upang tayong lahat ay maging huwaran;
Kung magpapatuloy sa gawaing iyan
tiyak na gaganda itong ating bayan!
Isang taon pa lang siyang nakaupo
takbo ng gobyerno nagiging matino;
Mga nagrarali di siya ang palso
kundi gasolinang pahirap sa mundo!
Di man kumikilos – nagdaang rehimen
ay napahinto na sa maraming krimen;
Ang pagsisiyasat nasimulan na rin
sa ating militar at mga businessmen!
Kaya ang dakila’y nagiging bayani
di lang sa digmaang patay ang marami;
Sa kapayapaan ang mabuting hari –
saanman iharap ay kapuri-puri!
- Latest
- Trending