WALA na raw mangyayaring VIP treatment sa mga mayayamang bilanggo sa New Bilibid Prison (NBP). Tapos na raw ang pamamayagpag ng mga maiimpluwensiya. Wala na rin daw mga kubol na tirahan ng mga mayayamang bilanggo.
Kung wala nang VIP treatment, hindi na uubra si dating Armed Forces of the Philippines (AFP) comptroller retired General Carlos Garcia. Nasa NBP na si Garcia para pagdusahan ang dalawang taong sentensiya. Maraming nababahala na baka gamitin ni Garcia ang impluwensiya at ang marami niyang pera para maging maalwan ang kalagayan sa loob. Hindi raw imposible sapagkat nasa P303 milyon ang umano’y nakawat ni Garcia noong siya pa ang comptroller ng AFP.
Si Garcia ay napatunayang guilty ng military court noong Disyembre 2, 2005 dahil sa paglabag sa Articles of War 96 at 97. Ang violations ay nag-ugat nang hindi isaad ni Garcia ang kanyang totoong assets ganundin ang pagkakaroon ng resident status sa United States. Sinampahan siya ng kaso sa Sandiganbayan, gayunman pinayagan siyang makapagpiyansa ng P60,000 noong Dis-yembre kaya nakalaya. Pinayagan din ng noon ay Ombudsman Merceditas Gutierrez ang alok niyang makipag-bargain kung saan ibabalik niya sa gobyerno ang P135 milyon ng kanyang assets. Pinababawi naman ni bagong Omdusman Carpio-Morales ang plea bargain agreement.
Dalawang taon ang bubunuin ni Garcia. Maikli lang pala ang parusa sa lumabag sa Article of War. Sandali lang ang two years. Katumbas lang ng dalawang taong kontrata ng isang OFW sa Saudi Arabia. Mas mahirap pa siguro ang kalagayan ng OFW sapagkat mainit sa Saudi.
Magkaganoon pa man, mabuti na rin at pinagdudusahan na ni Garcia ang kasalanan. Matutuwa namang lalo ang mamamayan kung maibabalik ang milyones na kinawat sa kaban ng AFP. Ang dapat lamang matyagan ay baka maging VIP si Garcia habang nakakulong. Kahit sinabi ng NBP ba wala nang presong magmamay-ari ng kubol na may aircon, kama, refrigerator at iba pa, hindi pa rin dapat magtiwala.