MGA eksena kung paano tinutugis ng taong bayan ang mga pinaghihinalaang mangkukulam ay ilang ulit na nating nakita sa pelikula, telebisyon at nabasa rin natin sa mga kwento ng mga kababalaghan.
MGA nagbabagsakang bato sa yero. Ingay ng mga taong nagsisisigaw…
“Lumabas ka d’yang mangkukulam ka!”
Ganito kalampagin ang tahanan ng isang pamilya sa Barrio Salapingao, Dagupan City. Musmos pa lang sina “Tes” at “Lyn” hinahabol na sila ng taong bayan sa pag-aakalang pamilya sila ng mangkukulam.
“Kinuha na nila ang bahay namin! Sinira nila ang aming pagkatao! Pati aso ko pinatay nila…buhay na ba namin ang kasunod?” takot na sabi ni “Tes”.
Ito ang nakakabahalang tawag sa amin mula pa sa Hong Kong ni Marites Fernandez o Tes ng amin siyang makausap sa aming programa sa radyo. Ang “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882KHZ nitong ika-19 ng Setyembre 2011.
Bitbit niya ang problemang ito nang siya ay umalis galing Gueset, Dagupan. Pinagbibintangan mangkukulam ang kanyang inang si Condrada Fernandez. Matagal ng hinala ito ng mga taga run dahil sa insidenteng nangyari na inakala ng tao ay bunga ng kulam.
Ang huli nga ang pagkamatay ng lolo ni Judy Dumalanta, kinakasama ni Tes. Si Condrada ang tinuturong may gawa. Nagsuka kasi ito itim na parang putik kaya’t espikulasyon ng lahat kinulam siya ni Condrada. Dahil sa pangyayaring ito nagtanim ng poot ang pamilya ni Judy kay Tes.
Pinagbawal ng pinsan ni Judy na si Antonio Santillan na tumuntong sa Brgy. Lomboy si Condrada. Hindi pwedeng mangyari ito dahil ang bahay na naipatayo ni Tes ay napapagitnaan ng bahay ni Antonio at ng biyenang si Cecilia.
Ika-3 ng Marso 2011, ilang araw pa lang nagbabakasyon si Tes sa Lomboy galing Hong Kong. Nagsimula na daw manggulo si Antonio.
Nagpamiryenda si Tes sa kanyang bahay. Imbitado ang buong angkan ng Fernandez, nandun ang kapatid niyang si Jocelyn “Lyn” Magno, mga anak nito, iba pang kapatid, pamangkin at ang inang si Condrada.
Kinagalit ni Antonio na noo’y lasing ang pagpunta ni Condrada sa kanilang compound. Nagsisigaw ito, “P*7#n^ i*^ mo! Mangkukulam ka! Lumabas ka dito! Papatayin ko kayong lahat pamilya!” sabay nagpumlit pumasok. Sarado ang pinto at gate. Sinira niya ang grills, pinagtatadyakan ang pinto hangang masira at makapasok siya sa loob.
Inawat siya nila Cecilia. Kinailangan pa nilang tumawag ng barangay dahil ayaw tumigil ni Antonio.
Nagharap sila sa Barangay Lomboy subalit ang ina ni Antonio na si “Oryang” ang nakiusap sa kanilang iurong ang reklamo. Kapalit nito ang halagang Php30,000 kabayaran sa nasirang pinto.
Sawa na si Tes sa pagpapasensiya kaya’t nagmatigas siya. Itutuloy niya ang kaso. Dati na daw binabato ang bahay ni Tes ni Antonio. Maging ang asong nakatali sa gate naabutan na lang nilang patay. Pinagpupukpok ito ng kahoy sa ulo.
Dagdag pa ni Lyn si Condrada umano ang balak patayin ni Antonio. Inakala nitong naiwang mag-isa ang ina sa bahay ni Tes. Nang hindi niya daw ito naabutan ang aso ang pinagbuntungan.
Ganito katindi ang galit ng pamilya ng kinakasama ni Tes sa kanilang ina. Maliban sa pagkulam umano ni Condrada sa lolo nila, giit ni Lyn inggit at pahihimasok ng biyenan ni Tes ang pinagmulan ng lahat ng ito.
Sa pagtiyatiyaga kasi ni Tess sa Hong Kong napatayuan niya ng konkretong bahay ang lupang nabili sa biyenang si Cecilia.
Masyado daw naging mabait si Tes sa pamilya ni Judy. Ngayong nagkakalabuan na sila ni Judy ang gusto daw ng pamilya nito kunin lahat ng naipundar niya.
Tuluyan ng nasira ang samahan nila Tes at Judy. Nagsampa siya ng kasong Grave Threats at Malicious Mischief laban kay Antonio sa Department of Justice, Dagupan City. Nailabas ang resolusyon nitong ika-27 ng Abril 2011 ni Assistant City Prosecutor Ann Karen Aguino-Go. Nakitaan ng ‘probable cause’ para maiakyat ang dalawang kaso laban kay Antonio subalit dahil ang kasong ito ay saklaw ng Katarungang Pambarangay dapat itong dumaan sa Lupon Tagapamayapa alinsunod sa Local Government Code.
Ipaliwanag naman ni Lyn na ito’y dinaan naman nila sa barangay subalit dahil sinasabi nila na kamag-anak nitong si Antonio ang kapitan ng Lomboy na si Kapitan Jaime Santillan hindi sila binigyan ng Certificate to File Action (CFA). Isang bagay na tinatanggi ni Brgy. Kapitan Santillan. Nagkaroon daw ng ‘schedule’ ng pagharap subalit ang mga ‘complainants’ ay hindi naman sumipot. Tinanggi niya rin na kamag-anak niya si Antonio.
Itinampok namin sa CALVENTO FILES sa radyo ang “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ 882KHZ (tuwing 3:00-4:00 ng hapon) ang istorya ni Lyn.
Bilang agarang aksyon tinawagan namin si Kapitan Santillan at tinanong namin kung totoong ayaw niyang magbigay ng CFA. Mariin niya itong tinanggi.
Pinaalala namin sa kanya na tungkulin nila na kapag ang dalawang magkatunggali ay hindi magkasundo, kailangang iakyat ang kaso sa Prosecutor’s Office para dun resolbahin.
Sinabi rin namin sa kanya na natatakot ang pamilya ni Lyn sa bantang pagpatay umano ni Antonio. Hiningi namin ang katiyakan na kapag humarap sa kanilang barangay sila Lyn dapat niyang pangalagaan ang kanilang kaligtasan.
Binigyan namin ng liham sina Lyn para pumunta kay kapitan. Maliban pa roon ni-refer din namin sila kay P/Supt. Romeo Caramat, chief ng PNP, Dagupan City para maprotektahan din sila ng mga pulis.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ang pagkaka-‘dismiss’ sa kasong isinampa nila Lyn ay hindi dahil walang kasalanan itong si Antonio bagkus nakitaan ng sapat na dahilan para ang kasong ito ay litisin at panagutan kung wala silang magandang depensa na maihahain sa Korte.
Ang Local Government Code kung saan ang mga kasong maaring maresolba sa barangay level ay ginawa para hindi mapuno ang ating Korte ng mga kasong maari namang maayos sa barangay pa lang.
Kapag nabigo ang isang nagrereklamo na makakuha ng CFA mula sa barangay maaaring panagutin ang barangay kapitan at ang lupon sa pamamagitan ng pagsampa ng kasong ‘nonfeasance’ dahil sila ay mga ‘public officials’ at tungkulin nilang paglingkuran ang kanilang mga kabarangay. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)
Sa gustong dumulog ang aming numero ay 09213263166 o 09198972854. Ang landline, 6387285 at 24/7 PLDT hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Boulevard., Pasig City mula Lunes-Sabado.
* * *
Email: tocal13@yahoo.com