Editoryal - Bus na walang preno
SUNUD-SUNOD ang mga aksidenteng kinasasangkutan ng mga pampasaherong bus. Halos araw-araw ay may nangyayaring banggaan o kaya’y pagsalpok sa concrete barrier o pagdayb sa bangin. Hindi lamang sa Metro Manila nangyayari ang mga aksidente ng bus kundi maging sa probinsiya man. At ang karaniwang dahilan ng driver kaya naaksidente ang kanyang bus: nawalan ng preno.
Hindi pa natatagalan ng isang pampasaherong bus ang nagdayb mula sa Skyway sa Paranaque City at apat na pasahero ang patay kasama ang drayber. Isa sa mga namatay na pasahero ay nagtungo lamang sa Maynila para i-renew ang kanyang seaman’s book. Iyak nang iyak ang anak ng namatay sapagkat paminsan-minsan lang nila nakakapiling ang ama. Ang dahilan ng aksidente: nawalan ng preno ang bus.
Kahapon, isang malagim na aksidente na naman ang nangyari na ang sangkot ay pampasaherong bus – Earth Star Express Bus. Galing sa Quiapo ang bus at palusong galing tulay nang bumangga sa isang dyipni na nagbababa ng pasahero sa may Lawton, isang pasahero ang naipit. Apat pang sasakyan ang apektado ng pagbangga ng bus — dalawang dyipni at dalawang FX taxi ang nagkabanggaan. Tumakas ang drayber at konduktor ng bus makaraan ang pangyayari. Ang dahilan daw ng aksidente: nawalan ng preno ang bus.
Nakakatakot na ang mga nangyayaring ito na ang mga bus na sangkot sa aksidente ay nawalan ng preno. Sa dami ng mga bus na bumibiyahe sa Metro Manila, karamihan pala sa mga ito ay dispalinghado ang preno. Nasa panganib ang mga pasahero, pedestrians at motorista kapag ang mga bus ang kasama nilang yumayaot sa kalsada. Ang mga inosenteng pasahero ang nadadamay sa kawalang ingat ng mga drayber ng bus.
Malaking hamon sa Department of Transportation and Communication ang nangyayaring ito. Bakit hindi manduhan ang LTFRB na huwag nang bigyan ng prankisa ang mga kakarag-karag na bus na anumang oras ay laglag ang preno. Iutos na igarahe na ang mga bus na mistulang “bumibiyaheng kabaong”. Patuloy ang aksidente hangga’t yuma-yaot ang mga bus na walang preno. Kailan pa sila wawalisin sa kalsada kung marami nang napatay?
- Latest
- Trending