HINDI na maikaila ni Northern Police District (NPD) director Chief Supt. Antonio Decano ang papel niya sa paglaganap ng pasugalan, bold shows at iba pang illegal sa Camanava area. Lumutang kamakailan ang pangalan ni Chief Insp. Crisanto Lleva bilang protector umano ng mga illegal sa Camanava. Si Lleva ang tumatayo sa ngayon na security officer at aide-de-camp ni Decano. Paano ngayon masasabi ni Decano na wala siyang alam sa mga pasugalan at iba pang illegal sa Camanava kung nandyan si Lleva sa kanyang tabi?
Si Lleva ay dating miyembro ng Caloocan City police bago maging hepe ng District Intelligence Unit (DIU) ng NPD. Ang DIU ay may butas sa lahat ng illegal sa Camanava. At dito sa DIU nakita ni Decano si Lleva at ginawa siyang security officer at aide-de-camp nito. Mukhang malaki ang papel na ginagampanan ni Lleva sa tong collection activities naman ni PO3 Rodolfo “Jojo” Cruz na hanggang sa ngayon ay nananagana pa sa Camanava. Sa pagkaalam ko may ginagawang action ang NCRPO laban kay Cruz, tulad ng pagkuha ng video at iba pang ebidensiya laban sa kanya, subalit hanggang sa ngayon ay nagwawala pa ito sa kalye.
Lumutang ang pangalan ni Lleva na sangkot sa pagkakitaan sa Camanava nang maaresto ng intelligence division ang mga bataan ni Ed Pineda, ang financier ng jueteng sa Camanava. Ang pagkahuli ng limang bet collectors ang unang accomplishment ni PNP chief Dir. Gen. Nicanor Bartolome laban sa jueteng. Nangako si Bartolome na hahabulin niya ang jueteng sa lahat ng sulok ng bansa. Sinabi ng mga naaresto na meron silang lingguhang parating kina Lleva at Cruz, na malaking halaga ang hinihinging payola. Dapat paimbestigahan ito ni Bartolome at sibakin sina Lleva at Cruz kung may matibay na ebidensiya.
May balita ako na nagta-talak si Decano sa pagkahuli ng mga bataan ni Pineda su-balit wala siyang magawa dahil ang raid ay utos ni NCRPO chief Dir. Alan Purisima. Si Decano ay sagradong bata ni Tingting Cojuangco. Subalit habang tumataas ang kaso ng riding-in-tandem sa Camanava, mukhang nagkamali si Cojuangco sa pag-indorso kay Decano. Abangan!