ANG sakit sa likod at balakang ay nararamdaman ng halos lahat ng tao. Nag-uumpisa ito ng edad 40 pataas. Kung ika’y sobra sa timbang, may problema sa likod (tulad ng Scoliosis), o hindi nag-eehersisyo, mas maaga mo itong mararamdaman.
Bakit sumasakit ang likod?
Ang kadalasang dahilan ng pagsakit sa likod ay ang muscle strain o sprain, o iyung sakit ng kalamnan. Para bang na-pilay ang likod. Ang sanhi nito ay ang pagkapuwersa sa masel sa likod dahil sa (1.) maling posisyon sa pagtulog; (2.) maling pag-upo (naka-kuba); (3.) maling pagbubuhat (nakayuko kung magbuhat) o nagbuhat ng sobrang bigat; (4.) sobra sa timbang, at (5.) pagka-edad (arthritis).
Ano ang gagawin?
1. Kung ika’y sobra sa timbang, kailangang magpapayat. Hindi kasi kaya ng likod mo ang bigat ng iyong tiyan!
2. Mag-ehersisyo kapag pawala na ang sakit sa likod. Napakahalaga ng ehersisyo.
3. Palakasin ang masel sa ating likod. Mag-ehersisyo ng katamtaman lang. Puwedeng gumamit ng mga kaunting pabigat (weights). Kapag lumakas ang masel ng ating katawan, hindi na sasakit ang ating likod.
4. Mag-swimming o pumunta sa gym. Magandang pampalakas ng likod ang swimming. Dahan-dahan din ang pag-ehersisyo sa gym.
5. Huwag magbuhat ng mabibigat. Kung mayroon kang bubuhatin, magpatulong sa isang kasama para kalahati lang ang bigat. Mag-squat at gamitin ang lakas ng hita para maiangat ang dinadala. Panatilihing deretso ang likod. Huwag yumuko para magbuhat. Mali iyan!
6. Umupo ng deretso ang likod. Maglagay ng suporta (maliit na unan) sa ating upuan para laging naka-straight ang ating likod.
7. Huwag maglakad o umupo nang matagal. Mapapagod ang ating likod kapag nakapirmi sa isang puwesto. Ang pinakamaganda sa likod ay ang paghiga sa kama.
8. Pumili ng katamtamang kutson na tulugan. Huwag ‘yung sobrang lam bot na lumulundo ang iyong likod. At huwag din matulog sa papag dahil sobrang tigas ito.
9. Matulog ng naka-“s” ang katawan. Humiga ng patihaya. Mag-unan para may suporta sa ulo at leeg. Maglagay pa ng isang unan sa ila lim ng tuhod para nakataas ito. Mas komportable sa likod ang nakabaluktot ang tuhod.
10. Kung nakatagilid kang matulog, maglagay ng unan sa pagitan ng iyong hita. Ito ay para huwag bumaluktot masyado ang ating hita at mapuwersa ang likod.
11. Puwedeng lagyan ng medyo mainit na bagay sa ating likod (warm compress).
12. Huwag hilutin o pa daganan ang likod. Baka lalo pang mapilay ito. Puwedeng magpamasahe ng dahan-dahan lang para lumuwag ang masel.
Kapag hindi nawala ang sakit sa loob ng 2 linggo, magpa-konsulta sa isang orthopedic surgeon o rheumatologist. Good luck po.