HINDI na marahil natatandaan ng bagong henerasyon ang naging kalagayan ng Pilipinas sa panahon ng batas militar ni Presidente Ferdinand Marcos sa loob ng dalawang dekada.
Tatlumpu’t walong taon mula nang ideklara ang martial law. September 21, 1972 nang ipailalim ni Marcos ang bansa sa kanyang diktadurya.
Batambatang mamamahayag ako noon na naglingkod para sa isang himpilan ng radyo ng pamahalaan at nagkaroon ako ng pagkakataong i-cover ang panguluhan. Ako marahil ang pinakabata noon dahil ang mga kasamahan ko’y halos senior citizens na.
Nang mga panahong yaon, ang mga taong nagtatanggol sa demokrasya ay suklam kay Marcos. Gayunma’y nasa isang tabi lang sila. Wala silang masasandigang media dahil ipinasara ni Marcos ang lahat ng pahayagan, radyo at telebisyon na kumakalaban sa kanyang liderato. Ang natira’y yaong mga tinatawag na “crony media”.
Ngunit may mga nagandahan din sa pamamalakad ng diktadurya dahil ang mga proyektong pambayan ay mabilis naipatutupad. May disiplina ang mga tao at kahit hatinggabi’y puwede kang maglakad sa lansangan ng walang kinatatakutan basta’t meron kang curfew pass.
May magandang epekto sana ang diktadurya. Pero sabi nga ng kasabihan ang paghawak ng kapangyarihan ng iisang tao ay nagbubunga ng pagmamalabis. Absolute power corrupts absolutely.
Matapos mapatay si Ninoy Aquino ay nagsimula nang gumuho ang pundasyon ng diktadurya hanggang sa tuluyan itong malansag nang maluklok sa poder si Corazon Aquino, ang biyuda ni Ninoy.
Pero mas mabuti ba ang kalagayan ng mamamayan ngayong naibalik ang demokrasya? Walang habas ang pagtaas sa presyo ng mga bilihin at serbisyo; laganap ang mga pamamaslang sa lansangan at; marami pa ring mahihirap na napagkakaitan ng katarungan. Marami pa ring paglabag sa karapatang pantao.
Hindi man dapat ang bagong diktadura, kailangan naman na magpatupad ng kamaong-bakal ang mga awtoridad para mapuksa ang krimen. Kailangan ding ma ngibabaw ang malasakit ng mga leader ng bansa sa mga mahihirap na nagdurusa sa gitna ng pagpaimbulog ng presyo ng mga pangunahing kalakal at serbisyo.