DAHIL sa isang textmate, hulog sa BITAG ang isang mister na wanted sa kasong paglabag sa Republic Act 9262 (Anti-Violence Against their Children Act).
Ang biktimang lumapit sa BITAG ang kanya mismong misis na siyam na taong nagdusa sa pananakit, pambubugbog at pambababae nito.
Sa Pilipinas, mahigit 60 porsiyento ng kababaihan ay biktima ng pang-aabuso at karahasan. Base ito sa talaan ng Philippine Commission on Women.
Kaya naman sa panahon ngayon ay maigting at mas pinalalakas ang pagpapatupad ng nasabing batas.
Subalit, marami pa ring kababaihan ang tahimik na nagdurusa at kalimitang napapasama na lamang sa istatistika ng mga nabubugbog o naaabuso, hindi pa kasama rito yung mga reported cases o yung tuluyang sinasampa ang kaso sa korte.
Iba ang ginawa ni “Lyn” hindi niya tunay na pangalan, naglakas-loob na lumapit sa BITAG upang matigil na ang pagmamalupit ng kanyang asawang si Carlito.
Mula sa simpleng pananakal at pananampal, pinagtangkaan din ni Carlitong saksakin at tagain ang kanyang ulo sa harap mismo ng kanyang ina.
Bukod sa pagiging butangero, ang kolokoy na si Carlito, aba’y numero unong babaero!
Dito na natigil ang pagtitiis ni Misis at nagdesisyong sampahan ng kaso ang kanyang asawa.
Nang malamang may asunto laban sa kanya, agad umeskapo si Carlito, tangay pa ang ilan sa mga gamit na naipundar ng biktima.
Nagdesisyon si Lyn na humingi ng tulong sa BITAG para palutangin ang nagtatagong asawa matapos lumabas ang warrant of arrest laban sa suspek. Matapos kumagat sa pain ng BITAG undercover na nagpanggap na makikipag-eyeball sa suspek sa isang mall sa Quezon City, agad na nakipag-ugnayan ang aming grupo sa Station 5 Fairview Police Station.
Ang inakalang date sa isang nakilala lamang sa telepono, nauwi sa paghimas sa rehas ng presinto! Lumuhod at nagmakaawa ang suspek sa Misis niya pero dahil na rin sa sobrang galit imbis na pagpapatawad, sampal ang napala ni Carlito.
Ang bawat pang-aabuso, may hangganan! Anumang sumbong o reklamo sa karahasan at pang-aabuso, ilapit sa BITAG.