SA balak na pagtataas ng pasahe sa Metro Rail Transit at Light Rail Transit sa Kamaynilaan ay nagkokontrahan ang mga patakaran ng gobyerno. Nais ni Transportation and Communications Sec. Mar Roxas na doblehin ang kasalukuyang P10-P15 pasahe para paliitin ang subsidy ng gobyerno sa mga pasahero. Nagtutustos ang gobyerno ng P55 sa bawat pasahero. Mga taga-Maynila lang ang nakikinabang sa subsidy, habang pati ang buwis na ibinabayad ng mga taga-probinsiya ay pinangtutustos dito, aniya. Kontra agad si Sen. Ralph Recto. Umano, buwis ng mga taga- Maynila nga ang nagtutustos ng iba’t ibang uri ng subsidy para sa mga taga-labas. Kabilang daw dito ang pondo para sa mga kalamidad sa kanayunan, at conditional cash transfer sa maralitang tagabukid.
At habang dinedebate ito, biglang nag-anunsiyo si Public Works and Highways Sec. Rogelio Singson. Maglalaan daw sila ng P50 bilyon para sa elevated o underground level ng EDSA sa Metro Manila. Ito raw ang solusyon sa traffic sa pinaka-daanan ng national capital. Pinag-aaralan pa daw kung sisingil sila ng toll sa elevated-underground EDSA.
Wala na dapat pagtatalo doon. Kung para sa Gabinete ay lugi ang mga taga-rural areas tuwing nagsu-subsidize ang gobyerno ng pasahe sa MRT-LRT ng Metro Manilans, e di dapat lang na singilin din ng toll ang mga motorista sa bagong EDSA.
Maglalaan man ng P50 bilyon para sa EDSA, e di gastusin na lang sa pagpapa-rami, pagpapabilis, at pagpapabuti ng MRT-LRT trains. Gamitin ito sa pagmentena ng mga riles, at paggawa ng parking lots sa gilid ng MRT-LRT stops. Paspasan ang paglatag ng riles mula Metro Manila papuntang hilaga, timog at silangan. Mass transit ang pang-lutas ng traffic, hindi dagdag ng kalye para sa pribadong kotse.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com