EKSAKTONG pagsapit ng “ber” sa kalendaryo ay naglabasan na ang mga “botchang” karne. Ang mga “botcha” ay mga bulok na karneng baboy. Madali lang mahahalata kung “botcha” ang karne sapagkat mabaho at kulay ube na. Malaki ang pagkakaiba nito sa sariwang karne. Ang sariwang karneng baboy ay mapula ang laman.
Ang labis na nakapagtataka ay kung saan nanggagaling ang mga “botchang” karne. Hindi maubos-ubos na para bang isang container van yata ang dami. Hindi kaya smuggled ang mga karne at dahil malapit nang mabulok kaya idinidispatsa na?
Tatlong beses nang nakasabat ng mga karneng “botcha” sa Maynila. Noong nakaraang Linggo, nakasabat na naman ng 200 kgs. ng “botcha”. Natagpuan ang mga “botcha” sa Divisoria Market. Nakalagay sa sako ang mga “botcha” at may takip na lona. Noong Setyembre 6, nakakumpiska na ang mga MVIB ng 250 kgs. ng “botcha” sa Maynila rin at pinakamalaki naman ang nakumpiska noong Setyembre 2 na umaabot sa 500 kgs. Ayon sa awtoridad, inihahalo ang mga “botcha” sa sariwang karne para hindi mahalata.
Apektado ng mga “botcha” ang mga magkakarne sapagkat walang bibili sa kanila. Magdududa kung totoo bang sariwa ang tindang karne. Marami nang mga tindera ng karneng baboy ang nagre-reklamo dahil matumal ang kanilang benta dahil sa “botcha”. Wala na silang kinikita dahil iniiwasan ang kanilang tindang karne.
Walang mahuli sa mga nagbabagsak ng “botcha”. Nagtatakbuhan ang mga sinasabing nagbagsak ng “botcha” kaya hindi malaman kung saan nanggagaling ang mga karneng bulok. Baka nga imported ang mga “botcha”. Wala naman kasing report na may peste sa mga babuyan sa bansa.
Paigtingan pa ang pagbabantay sa mga palengke at baka may magbagsak ng “botcha”. Nararapat malaman kung saan nanggagaling ang mga bulok na karne. Delikado lalo na’t malapit na ang Christmas season.