Ang 'ber' at ang Pasko

Ilang araw pa lang ang nakalilipas

Buwan ng Setyembre narito na agad;

Mga buwang “ber” sa ating calendar –

Agad nagsimula – sa Pasko’y pambungad!

October, November, December na naman

Ano kayang Pasko sa ati’y daraan

Ito kaya’y Paskong masaya’t mainam

At hindi hikahos itong sambayanan?

Aba’y dapat naman ang Paskong darating

Ay hindi na Paskong tayo’y dildil-asin;

Sa bagong panahon tayo’y umasa rin

Nagbago ang takbo ng puso’t damdamin!

Kasi ay nagbago na ang ating Pangulo

At sa pamahalaan marami nang bago;

Dapat lamang naman tayo’y siguradong

Magiging sagana darating na Pasko!

Hindi tulad noon ating mga lider

Sagana sa lahat maganda sa tingin;

Pero pagmasdan mo ang paligid natin

Basura at burak itong bayang giliw!

Malalaking bahay palasyo at mansion

Ang biglang natayo sa mga kalyehon;

Mga sapa’t ilog my bahay na ngayon

Kaya pag umulan ang baha’y daluyong!

Mga mamamayang kuba na sa hirap

Pagdaan ng bagyo nalulunod agad;

Isda at pananim hindi mahagilap

Kaya sa pagkan tayo’y nagsasalat!

Kung laging ganito kalagayan natin

Hindi na masaya ang Paskong darating;

Ang mga tahanang winasak ng hangin –

Pagsapit ng Pasko’y gibang-giba pa rin!

Kaya ang pag-asa’y nasa ating lahat

Itong ating baya’y dapat na iangat;

May tatlong buwan pa at iyon ay sapat

Upang sa Disyembre’y walang nagsasalat!

Show comments