NGAYON ang Kapistahan ng Mahal na Birhen ng Peñafrancia sa Bicol Region: Arsdiosesis ng Nueva Caceres at mga diosesis ng Daet, Legaspi, Sorsogon, Masbate at Virac.
Muli tayong inaanyayahan ni Propeta Isaias na hanapin at tawagin ang Panginoon: Talikdan ang masama; magbago sa maling isipan upang tayo ay kahabagan at bigyan ng kapatawaran. “Ang aking isipa’y di ninyo isipan at magkaiba ang ating daan.” Kailanman ay di tayo pababayaan ng Diyos sapagka’t Siya ay tapat at totoo sa dumadalanging tao. Dito natin iugnay ang sabi ni Pablo na naisin nating mabuhay na nagbibigay karangalan kay Hesukristo bilang paghahanda sa ating panibagong buhay matapos ang kamatayan. Maraming pagsubok sa mundong ibabaw. Tayo’y nagkakasala kaya patuloy tayong humingi ng kapatawaran at pagsikapang mamuhay ayon sa Mabuting Balita ni Hesukristo.
Sa laki ng awa ng Diyos ay inaanyayahan tayo tuwina na maghanap ng ating ikabubuhay. Kailanman ay hindi tayo dapat pabayaan ng mga nagpapasahod sa atin sapagkat ang Diyos ang may pagsusulit sa kanila. Sa talinghaga sa ebanghelyo ay ipinakita sa lahat ng manggagawa ang karampatang sahod. Hindi tayo pinababayaan ng Diyos sa maghapon ng ating buhay ayon sa ating pagsisikap na gumawa ng kabutihan. Ang mabuhay tayo sa maghapon ay napakalaking biyaya sa ating pagkatao. Huwag nating kainggitan ang kapwa. Huwag tayong mainggit sa kinikita ng iba. Ang mahalaga ay binibigyan tayo ng pang araw-araw na ikabubuhay upang: Huwag tayong maging tamad at ipagpatuloy ang pagsisikap. Huwag tayong umasa sa iba. Sabayan natin ang pagsikat ng haring araw sa umaga sapagkat laganap ang biyaya ng Diyos. Palakasin natin ang paggawa na kabutihan sa Diyos at kapwa.
Mula sa El Centro, California patungong Arizona (via I-80) ay may madadaanang disyerto. Kung summer, mapapansin sa umaga ay gising na ang mga cobra at nakaharap sa silangan para masikatan ng araw. Sa init ng araw sila kumukuha ng mabagsik na kamandag. Pag-winter naman ay nagtatago sila sa lupa at wala silang kamandag.
Kaakibat ng mga Pilipino ang katamaran. Tingnan natin ang kapaligiran at marami pang walang tanim. Nakakainggit ang Japan na sa bawat puwang ng kanilang lupa ay may tanim na halaman. Hindi sayang ang kanilang lupa. Kaya naman pinagpapala sila ng Diyos at kalikasan.
Isaias 55:6-9; Salmo 144; Filipos 1:20k-24,27a at Mt 20:1-16a