ARAW-ARAW, 43 tao ang namamatay dahil sa sakit na nakukuha sa paninigarilyo. Bawat taon, gumagastos ang gobyerno ng P148-billion dahil sa mga sakit na may kaugnayan sa paninigarilyo. Number one ang cancer sa baga na tumatama sa mga naninigarilyo. Bukod sa cancer sa baga, ang iba pang sakit na nakukuha sa paninigarilyo ay cancer sa lalamunan, labi at ilong, stroke, chronic obstructive pulmonary disease at sakit sa puso. Nagpapakita lamang na kamatayan ang kahahantungan ng bisyong paninigarilyo. At ang nakakatakot, pati ang mga nakalanghap ng usok na ibinuga ng smokers ay tinatamaan din ng sakit. Kaya dapat lamang na hulihin ang lahat ng naninigarilyo sa publikong lugar.
Salamat naman at nawala na ang bisa ng temporary restraining order (TRO) na inisyu ng Mandaluyong Regional Trial Court na nagbabawal sa Metro Manila Development Authorituy na manghuli ng naninigarilyo. Noong nakaraang linggo, muling ipinagpatuloy ng MMDA ang paghuli sa mga naninigarilyo sa pampublikong lugar at maraming nadakmang lalaki at babae. Karamihan sa kanila ay mga naninigarilyo sa hintayan ng sasakyan. Ayon sa MMDA, mahigpit na ipinagbabawal ang paninigarilyo sa mga hintayan ng sasakyan, pampasaherong sasakyan, gusali ng gobyerno, ospital, eskuwelahan at mga parke. Nakasaad ito sa Republic Act 9211 (Tobacco Regulation Act of 2003). Ayon sa MMDA ang mahuhuli ay pagmumultahin ng P500. Ang walang ibabayad ay magsasagawa ng community service. Ayon sa MMDA, 7, 627 na ang kanilang nahuling nagyoyosi.
Paigtingin pa ng MMDA ang paghuli sa mga nagyoyosi. Sa pamamagitan lamang ng paghuli mapoprotektahan ang taumbayan sa panganib ng pagkakasakit na dulot ng sigarilyo. Ayon pa sa report, ang mga nakalalanghap ng second smoke ay mas una pang tinatamaan ng sakit kaysa sa mga totoong naninigarilyo. Paigtingin ng MMDA ang kampanya laban sa mga naninigarilyo.