Peryahan ni Tessie
TINGNAN natin kung may bangis pa ang perya queen ng Calabarzon na si alyas Tessie sa liderato ni PNP chief Dir. Gen. Nicanor Bartolome. Si Tessie ay untouchable noong panahon ni dating PNP chief Gen. Raul Bacalzo. Kapag hindi nasawata ni Bartolome si Tessie, ibig sabihin niyan all weather siya, di ba Sr. Supt. Rosauro Acio, hepe ng Batangas PNP? Kung may magandang samahan sina Tessie at Bacalzo, ewan ko lang dito kay Bartolome. Namayagpag si Tessie noong panahon ni Bacalzo pero sa tingin ng mga kausap ko malilintikan siya kay Bartolome, na nangakong babaguhin ang imahe ng PNP. Paano mababago ang imahe ng PNP kung talamak ang peryahan ni Tessie na ang nabibiktima ay ang mga kabataan?
Hindi lang si Tessie ang dapat habulin ni Gen. Bartolome sa Calabarzon area kundi maging si alyas Jess Alcover, na dating pulis Cavite na nasibak dahil sa kasong robbery. Si Alcover ang nagpalaganap ng video karera sa Kawit, Imus, at Bacoor. Ipinangalandakan din ni Alcover na bata siya ni Calabarzon police director Chief Supt. Gil Meneses. Totoo ba na kolektor din ng lingguhang intelihensiya si Alcover ng DILG, R.D.S.T. at AGTF? Dito kay Alcover din nakasandal ang mga tong kolektor ni Sr. Supt. John Bulalacao, hepe ng Cavite PNP, na sina PO3 Marlon Garcia at Landong Bulag, na umano’y taga-DZRH. Ano ba itong si Garcia? Imbes na siya ang magbalita, siya ang ibinabalita dahil sa masamang gawain n’ya?
Sinabi pa ng kausap ko na kapag may nagreklamo kina Garcia at Landong Bulag, si Alcover ang sumasalo sa PRO4-A. Pero sa tingin ng mga kausap ko, aabutin ng malas sina Tessie, Garcia, Alcover at Landong Bulag, kay Bartolome. Teka nga pala Gen. Bartolome may malaking peryahan si Tessie sa likod ng Jolibee sa San Pablo, Laguna kung saan kinukuyog ng mga kabataan ang color games at drop balls. Puwede bang iutos mo kay Sr. Supt. Gilbert Cruz, hepe ng Laguna PNP, na ipatiklop ang color games at drop balls doon?
- Latest
- Trending