Ang malungkot na biyudo
SA isang bayan sa hilagang Luzon nakatira ang mag-asawang Nora at Doroy. Pangalawang asawa na ni Doroy si Nora. May dalawang anak si Doroy sa unang asawa. Nakakuha sila ng dalawang parselang lupa sa probinsiya na may sukat na 20 ektarya.
Kahit mag-asawa na hindi pa rin malimutan ni Doroy ang lungkot at sakit ng pagkawala ng unang asawa. Pero dahil maunawain si Nora, nakuha pa rin nilang manatili bilang mag-asawa. Nagkaroon sila ng isang anak. Lumipat sa Maynila sina Doroy at Nora at doon nagkaroon ng bagong tahanan.
Pero hindi nakabuti ang paglipat nila sa Maynila. Matapos ang 18 taon ng pagsasama, inabandona ni Doroy si Nora at ang anak. Bumalik siya sa kanyang mga anak sa unang asawa.
Nagsampa ng kaso si Nora para humingi ng suporta kay Doroy. Matapos ang paglilitis, nagdesisyon ang korte at ipinag-utos na suportahan ni Doroy si Nora at bigyan ng sustento kada buwan.
Makalipas ang pitong buwan, hindi pa rin sumusunod si Doroy sa batas. Ang masama pa nito, nalaman ni Nora na gumawa ang asawa ng kasulatan ng bentahan ng lupa at ibinenta nito sa manugang na lalaki ang dalawang parselang lupa nila sa probinsiya para makaiwas na bigyan silang mag-ina ng sustento at para makalusot sa desisyon ng korte. Nagsampa si Nora ng panibagong kaso para naman mabawi ang mga lupa dahil peke at mapanlinlang daw ang nasabing kasulatan ng bentahan. Mababawi ba ni Nora ang lupa?
OO. Maituturing na may anomalya sa naging bentahan ng lupa na ginawa ng asawa. Nangyari ang bentahan ng lupang pag-aari ng mag-asawa pitong buwan lang matapos ang desisyon laban kay Doroy na pinagbabayad siya ng sustento kada buwan. Wala siyang naibayad kahit singko sa ipinag-uutos na sustento kaya maituturing na nagkaroon ng panloloko sa nanalo sa kaso na walang iba kundi ang kanyang asawang si Nora. (Cabaliw vs. Sadorra, 64 SCRA 310)
- Latest
- Trending