HINDI dapat limusan ang mga batang nasa kalye. Kapag nilimusan sila, lalo lamang silang dadami sapagkat masasanay na mayroong naglilimos sa kanila. Kung hindi sila lilimusan at babalewalain ang pagsahod ng kanilang kamay, hindi na sila magtatangka. Ganyan ang sinabi ni Department of Social Welfare and Development secretary Dinky Soliman nang minsang interbyuhin sa radio. Hindi raw aalis sa kalye ang mga namamalimos sapagkat umaasang may magbibigay sa kanila.
Tama ang sinabi ni Secretary Soliman pero ang mas magandang magagawa ng kanyang tanggapan ay ang walang humpay na paghuli sa mga batang kalye. Kung magiging regular ang paghuli sa mga batang kalye, mas madali silang mawawala at wala na ring mangyayaring krimen kagaya ng nakunan ng CCTV sa Guadalupe, Makati kamakailan.
Isang taxi driver ang pinagsusuntok ng mga batang kalye makaraan siyang pagnakawan. Nakatigil ang taxi dahil trapik. Maliksing binuksan ng mga batang kalye ang pinto ng taxi at kinuha ang pera ng drayber na nakapatong sa dashboard. Nang akmang lalabas ang drayber, pinagtulungan itong suntukin at pagkaraan ay nagtakbuhan at tumawid sa riles ng MRT. Nawalang parang bula ang mga batang kalye.
Parami nang parami ang mga batang kalye. Hindi lamang sa Guadalupe may mga batang kalye na nagsasamantala sa mga motorista kundi maging sa Balintawak, Cubao at sa may Veterans Hospital sa North Avenue, Quezon City; Plaza Lawton, Arroceros at San Andres cor. Osmeña Ave. Maynila; Monumento, Caloocan City. May mga batang kalye rin sa Buendia, Pasay City.
Matagal nang nambibiktima ang mga batang kalye subalit ngayon lamang napagtuunan ng pansin ng DSWD. Maraming batang pulubi na umaakyat sa mga pampasaherong dyipni at nag-aabot ng sobre. Ilan sa kanila ay nagra-rugby. Ngayong palapit na ang Pasko, inaasahang dadagsa sa lansangan ang mga batang namamalimos.
Huwag silang limusan o bigyan ng kahit ano pa man. Kung magbibigay, ipadaan ito sa mga organisasyon o charitable institutions. Sila na ang bahalang magbigay sa mga pulubi. Pero ang mas epektibo ay ang aksiyon ng DSWD para lubusang mawala sa kalye ang mga palaboy.