Napunta sa pulitika ang imbestigasyon
NADISMAYA ang mga taga-Manila Police District sa pagtatapos ng imbestigasyon ng Senado sa maanomalyang pagbili ng Robinson Choppers ng Philippine National Police. Paano kasi sa halip na maarok kung sino ang nagkamal ng “tongpats” eh napunta sa pulitika ang isyu. Ginamit umano ng mga alipores ni First Gentleman Jose Miguel Arroyo ng paghakot ng mga minaniobrang election returns para manalo si dating President Gloria Macapagal-Arroyo sa mga lalawigan sa Mindanao.
Kaya ayon sa aking mga kausap magmumukhang moro-moro lamang ang imbestigasyon ng mga magagaling na senador. Ang masakit mukhang walang linaw na mabawi pa ang milyones na naibulsa ng ilang opisyales ng PNP. Kaya sa ngayon hindi na sila nagtataka kung maging ang imbestigasyon sa rubber boat at ang over pricing na pagpagawa ng V-150 ay mauuwi na lamang sa pagtilamsik ng panis na laway. Sa ngayon labis ang paghihinagpis ng mga pulis sa MPD dahil hanggang sa ngayon ay naghihirap pa rin sila sa pag-igib ng tubig matapos na di mabayaran ang utang na P14 milyon sa Maynilad. Kung mababawi lamang umano ang mga milyones na naibulsa ng mga gahamang opiyales ng PNP tiyak na mabubura na ang kanilang utang sa tubig.
Sa kasalukuyan labis-labis na ang kanilang pag-aalala na mapuputulan na rin ng ilaw matapos na umabot sa mahigit sa P50-milyon ang bayarin sa Meralco. Ang tanging pag-asa na lamang nila na makaahon ay ang bagong upong PNP chief na si Gen. Nicanor Bartolome. Malaki ang tiwala nila kay Bartolome dahil sa pagiging katapatan nito sa serbisyo at sa tagal ba naman na naging spokeperson ng PNP tiyak na magagawan niya ito ng kapamaraanan. Hindi naman sana ito hahantong kung nabigyan lamang ito ng pansin ng mga nagdaang PNP chief at NCRPO director, dahil ayon sa aking pagtatanong.
Ang pangunahing dahilan umano kung bakit lumaki ang utang sa tubig at ilaw ay ang budget sa Meralco at Maynilad ay sa kapanahunan pa ni “Kupong-kupong” . Tama nga naman itong aking mga kausap, mantakin n’yo mga suki, kung noon ang bayarin sa Meralco ay P1 bawat kilo watts at P1 rin sa bawat kubiko sa Maynilad at ikumpara ngayon na kung ilang paldo na ang itinaas tiyak nga na mababaon nga ang PNP sa utang. Sa ngayon hindi lamang mga pulis ang maapektuhan sa pagbabawas gastos ng PNP dahil maging ang Press Corps sa Metro Manila ay tatamaan din ng pagtitipid. Binabalak pala ng Camp Crame at ng National Region Police Office na pagbayarin na ng ilaw at tubig ang mga ahensyang nakasilong sa kanlang bakuran. Katulad na lamang sa memoradum na ipinalabas ng NCRPO sa MPD na kailangang magbayad ng P72,403.88 ang MPD Press Office, Manila Police Retirees Association ng P41,080.50 at ang Manila’s Finest Brotherhood Association ng P41,694.75 sa pag-installed ng submeter. At oras na makabitan na ito tiyak na magbabayad ang mga ito ng buwanang kunsumo sa koryente. Ilang dekada na ang lumipas na kaakibat ang mga organization na ito ng MPD. Gen. Bartolome sir, pakirebisa nga po. Abangan!
- Latest
- Trending