SI Lorenzo ay 60-anyos at biyudo. Ulyanin na siya. Hindi siya marunong bumasa at sumulat. Maski pangalan niya ay hindi kayang isulat. Tatlo ang naging anak nila ng namayapa niyang asawa na si Francisca. Nagkaroon sila ng tatlong anak, dalawang lalaki at isang babae. Minsan, nilapitan si Lorenzo ng kaibigan niyang si Teofilo. Napapayag siya nito na ipagamit ang isang lupa niya sa Parañaque na sakop ng orihinal na titulo (OCT No. 9084) upang gamiting prenda sa inuutang na pera sa banko. May kinalaman ito sa negosyo ni Teofilo na sawmill. Nakarehistro ang titulo sa pangalan ni Lorenzo kasal kay Francisca.
Pumirma si Lorenzo sa kontrata ng pagsasangla ng lupa at sa kasulatan ng pagkakautang sa banko. Pero ang lahat ng ipinautang na pera ng banko ay napunta sa kanyang kaibigan na si Teofilo.
Hindi nagbayad ng hulog si Teofilo. Dahil dito, kumilos na ang banko at inilit ang lupang isinangla ni Lorenzo. Napilitang makialam ang mga anak ni Lorenzo. Kinuwestiyon nila ang pag-ilit sa lupa. Ayon sa kanila, nakapangalan ang titulo sa mga magulang nilang sina Lorenzo at Francisca. Ibig sabihin ay pag-aari ito ng mag-asawa at dahil patay na ang kanilang ina nang magpirmahan sa kasulatan ng sangla, sila bilang anak ay may karapatan din sa lupa. At dahil hindi naman sila nakapirma sa kasulatan ng sangla, dapat ay hindi kasama ang halos kalahati nito na parte nila sa iilitin ng banko. Tama ba ang mga anak ni Lorenzo?
MALI. Totoo man na sa ating batas, ipinagpapalagay na lahat ng ari-arian na napundar ng mag-asawa ay pag-aari (conjugal) nila. Ito ay magagamit lang sa mga ari-arian na napundar habang kasal na sila. Sa kasong ito, hindi napatunayan ng mga anak ni Lorenzo na nakuha ng magulang nila ang lupa noong kasal na sila. Kung talagang kasal na sila nang makuha ang lupa, dapat nakapangalan
ang titulo sa mag-asawang Lorenzo at Francisca, hindi katulad ng nakasulat sa titulo ngayon na Lorenzo kasal kay Francisca. Ang sinasaad na kasal kay Francisca ay pantukoy lang daw sa estado ni Lorenzo bilang rehistradong may-ari ng lupa (Ponce de Leon vs. R.F.C., 36 SCRA 289).
Lumalabas na ganito ang batas, kung walang matibay na ebidensiya na pinanghahawakan, kapag ang nakasulat sa titulo ay mag-asawang Lorenzo at Francisca, ang lupa ay pag-aari ng mag-asawa o “conjugal” at kung ang nakasulat lang ay Lorenzo kasal kay Francisca o Francisca kasal kay Lorenzo, ito ay pag-aari lang ng isa sa kanila.
Sa Art. 116 Family Code, basta nakuha ang ari-arian habang kasal ang mag-asawa, kahit naparehistro ito sa pangalan ng isa o pareho sa kanila, ang ari-arian ay itinuturing na conjugal nila maliban at mapatunayan na hindi.