MARAMING dapat basagin si bagong Philippine National Police (PNP) chief Director Gen. Nicanor Bartolome sa pinamumunuang organisasyon at isa na rito ay mga gumagawa ng panto-torture sa mga nahuhuling suspect. Para maibalik sa PNP ang tunay na pagtitiwala ng mamamayan, nararapat na kastiguhin ni Bartolome ang mga pulis na mahilig gumawa ng “shortcut” para mapabilis ang kanilang imbestigasyon. Isa ang pagtorture sa ginagawang paraan para aminin ang kasalanan. Hindi makatao ang ginagawa ng mga alagad ng batas para lamang paaminin ang suspect. Kapag nawalis ni Bartolome ang mga pulis na “utak-torture” bakasakaling maibangon ang karangalan ng PNP.
Maraming nangto-torture na pulis at hindi nga lamang sila makasuhan sapagkat walang ebidensiya. Hindi rin naman makapagreklamo ang tinorture sapagkat maaari siyang gantihan. Ano ang ilalaban niya sa mga pulis? Baka lalo pang mapadali ang kanyang buhay. Mabuti pang manahimik na lang.
Pero ang pagtorture na ginawa umano ni Senior Insp. Joselito Binayug sa suspect na si Darius Evangelista noong Marso 2010 ay nai-video kaya matibay ang ebidensiya sa police officer. Bukod kay Binayug, anim na pulis pa ang sangkot sa pagtorture kay Evangelista. Kamakalawa, tuluyan nang sinampahan ng kaso ng Department of Justice sina Binayug.
Nakunan ng video ang pag-torture at ipinalabas sa TV Patrol. Kitang-kita ang isang lalaking nakahiga at umaalumpihit sa sakit. Hinihila pala ang kanyang ari kaya ganoon na lamang ang pag-alumpihit. Tinalian ang ari niya at hinihila ni Binayug. Habang ginagawa ang pagtorture, nagtatawanan ang iba pang pulis.
Ang matindi pa, matapos ang pag-torture na iyon ay hindi na nakita pa si Evangelista. Ayon sa mga kaanak, nawala na lamang ito at hindi nila malaman kung nasaan. Kutob ay pinatay na ito.
Ang mga pulis na may “utak-torture” ang dapat unahing alisin sa organisasyon na pinamumunuan ni Bartolome. Marami ang naniniwala na may magagawa si Bartolome. Marami ang umaasa sa kanyang liderato. Hindi sana mabigo ang mga umaasang mamamayan. Ipakita ni Bartolome na kaya niyang walisin ang mga “utak-torture” sa PNP.