ISANG Sharia court judge ang tumestigo laban kay dating First Gentleman Mike Arroyo, kaugnay sa dayaan sa Cotabatao City, Tawi-Tawi at Sulu. Inamin ni Judge Nagamura Moner na nagpamudmod siya ng mga pera sa mga tao para bilhin ang mga boto para kay dating President Gloria Macapagal-Arroyo. Dinawit pa si dating Philippine Ports Authority (PPA) director general Alfonso Cusi, na tumawag sa kanya at inutusang pumunta sa mga lugar na nabanggit. Kinausap pa raw siya ni FG para kumbinsihin na tulungan si GMA sa mga lugar na natatalo ito kay Fernando Poe Jr.
Kaugnay sa PNP chopper deal ang pagdinig sa Senado noong Martes. Pasahero si Moner sa helicopter sa mga biyahe patungong Mindanao. Pero ang nangyari, umamin si Moner sa dayaan noong 2004, sa pag-utos umano ni FG. Nagpamudmod daw siya ng mga P100,000 sa mga tao, na dapat ibibigay sa election officers na nagbabantay sa mga presinto kung saan talo si GMA. Pero inamin na hindi raw niya nakita yung nagbigay mismo ng mga perang pinamigay.
Katulad ng dati, may mga senador na tila walang katapusan ang paulit-ulit na tanong, na nasagot na naman ng testigo. Kaya maraming napapagod manood ng mga pagdinig na ito, dahil parang hindi umaabot sa mga senador ang mga sagot. Tandaan, ang mga pagdinig sa Senado ay hindi kriminal na imbestigasyon, kundi mga imbestigasyon para makatulong sa paggawa ng mga bagong batas, o pagbabago ng mga kasalukuyang batas, para makinabang nang husto ang sambayanan. Pero minsan, parang hukuman na ang imbestigasyon. Ang sinasabi ko lang, nandyan na lahat ng mga testigo at ebidensiya para kasuhan ang mga Arroyo ng malawakang pandaraya noong 2004 elections. Bakit hindi pa sampahan ng kaso at litisin na?
Alam ko na dapat pinaghahandaan ang lahat para maging malakas ang kaso laban sa mga Arroyo. Sigurado, mga pinaka-magagaling na abogado ang kukunin para ipagtanggol sila. Kaya naman ng pera nila, di ba? Titirahin na naman bakit ngayon lang nagsasalita kung totoo ang mga sinasabi, at dapat parusahan dahil sangkot din sa krimen! Sana nga sampahan na para umusad na ang mga kaso. Kung may mga testigo pa diyan na may alam sa pandaraya noong 2004, lumabas na at hindi na kayo nag-iisa! Kailangan may mangyaring katapusan ang lahat ng mga inaakusa sa mga Arroyo. Kung mga katulad ni Hosni Mubarak ng Egypt, nakakasuhan kahit may sakit na at lahat, dapat sa Pilipinas ganundin!