Tapos na ang araw ng mga pulis na abusado
ANG paghirang kay Gen. Nicanor “Nick” Bartolome bilang bagong PNP chief ni President Noynoy Aquino ay pinagbunyi ng mga mamamahayag sa buong bansa, liban na lamang sa mga pulis na pera ang nasa isipan. Si Bartolome ay dating spokeperson ng PNP kaya alam niya ang mga karaingan sa larangan ng tri-media. Dahil ang obligasyon ni Bartolome noon ay gumising nang maaga at magpuyat sa gabi upang magbigay ng mga balitang pabor at hindi pabor sa imahe ng PNP upang maiulat naman ng mamamahayag sa sambayanan. Diyan siya hinangaan at sinaluduhan ng mga kapatid sa hanapbuhay at sa mga matataas na bossing sa larangan ng pagbabalita.
Magaling sumagot si Bartolome sa mga katanungan ng mga reporter kaya naging “Darling of the Press” siya. At nagbunga naman ang kanyang kasipagan nang hirangin ni P-Noy kapalit ni PNP chief Raul Bacalzo. Nakakatiyak na ang industriya ng pagbabalita na magkakaroon na naman ng magagandang balita tungo sa pagbabago sa PNP. Subalit ang malungkot na balita tiyak na ang unang tatamaan ng bangis at kamay na bakal ni Bartolome ay ang mga “tong collector” na gumagasgas sa imahe ng PNP. Maging ang mga abusado at kotongerong pulis, tiyak na mabubusisi na rin at walang makalulusot.
Mayroon lang akong ipararating kay Bartolome na dapat niyang pagtuunan ng pansin. Noong August 8, 2011, binigyan kami ng memo ni NCRPO chief Alan Purisima tungkol sa installation of electric submeters kaya labis ang pagkadismaya ng buong organization ng Manila Police District Press Office. May halagang P72,403.88 ang kabuuan ng gastusin sa pagkabit pa lang ng submeter at ang masakit pa nito ay ang buwanang bayarin sa Meralco ang lulumpo sa MPDPC. Ilang dekada nang naging bahagi ang MPDPC sa Manila Police District sa pag-unlad at pagbabago at sa isang iglap ay magkakawatak-watak matapos ang tila panggigipit sa mga mamamahayag. Ang MPDPC ay non-profit organization na may 250 members. Kapag naisakatuparan ito. tiyak na magkakawatak-watak na ang print reporters, radio reporters, TV reporters and crew at photojournalist dahil wala nang masisilungan. Alam namin na hindi obligasyon ng PNP na magbayad sa kuryente at tubig dahil may kanya-kanya naman kaming kompanya subalit ang MPDPC lamang ang kanlungan ng mga mamamahayag sa pag-unlad ng MPD. At hindi lamang sa MPD nakatuon ang aming pagkalap ng balita dahil karamihan sa aming miyembro ay Metro wide ang bet.
Nais naming magkaroon sa inyo ng dialog upang ipara-ting ang aming karaingan. Abangan!
- Latest
- Trending