Kabalintunaan!

TUTOL daw ang grupong Pro-Gun, isang grupo na nagsusulong sa karapatan ng mamamayan na magmay-ari ng baril, sa pagbibigay ng baril sa MMDA traffic enforcers, dahil hindi raw nila kailangan. Sabi pa ng Pro-Gun, hindi naman daw mga kriminal ang binabantayan ng enfor-cers, kundi yung mga lumalabag sa batas-trapiko. Hindi raw kailangan ng baril para patuparin ang mga ganung batas. Kung ganun, kasama na pala sa trabaho ni Larry Fiala ang magpabaril ng apat na beses, sa isang may karapatang magdala ng baril, na hinuhuli dahil lumabag sa number-coding!

Ganun nga ba? Kapag ang pag-aari ng baril ang pinag-uusapan, matindi ang pagtanggol ng grupong ito sa karapatang bumili at magmay-ari ng baril, pati magdala ng baril sa labas ng tahanan. Mga sibilyan na may karapatan armasan ang sarili, dahil maraming kriminal sa lansangan. Pero, ang mga nagpapatupad ng batas-trapiko, hindi kailangan dahil batas-trapiko lang naman? Kung ganun, lahat ng may lisensiyadong baril ay may karapatang barilin ang mga di-armadong MMDA traffic enforcer, kapag nainis na sila dahil sa paghabol sa kanila para lang sa paglabag sa batas-trapiko!

Hindi ako pabor sa pag-armas sa mga MMDA, hindi dahil hindi nila kailangan sa trabaho, kundi dahil wala silang pagsasanay para humawak ng baril. Para sa akin, dapat may kasamang pulis ang MMDA na nanghuhuli ng tumakas na motorista. Para makalaban naman sila kapag nakatapat ng armadong motorista tulad ni Gonzalez. Sa tingin ko, kung may pulis na kasama si Fiala, natakot ito at hindi na bumunot! Kaya hindi rin ako pabor na mabigyan ng baril ang mga katulad ni Edward John Gonzalez, na malinaw na hindi “responsible gun owner”! Pero paano mo naman malalaman kung sino ang responsable at sino ang sira-ulo? Kahit sino, makakabili at makakapagpalisensiya ng baril. Ang mahirap, kapag nalisensiyahan na, tingin nila sila lang dapat ang armado sa Pilipinas!

Tila ganyan ang nakikita ko sa pahayag ng Pro-Gun. Double standard, kung tawagin. Sila puwedeng armado dahil karapatan nila, at “responsible” naman sila dahil pinalisensiyahan naman ang baril na binili. Pero ang traffic enforcer, hindi kailangan, kasi traffic lang naman ang trabaho. Hindi naman daw mga kriminal ang katunggali araw-araw. Ipaliwanag siguro nila kay Fiala na kasama sa trabaho na niya ang mabaril ng licensed gun owner, kung lisensyado nga ang baril ni Gonzalez! At wala siya dapat ireklamo, kasi karapatan ng licensed firearm owner na depensahan ang sarili, mula sa di armadong MMDA traffic enforcer na humabol sa kanya. Threatening move na kasi iyong pagharang sa kanyang sasakyan kaya puwede nang magpapautok. Oo nga pala, sinuntok niya muna si Fiala bago tumakas. Kaya binaril dahil hinabol siya.

Show comments