CONNIVING smugglers umano ang binangga ni Lito Alvarez kaya inaalis siya sa puwesto bilang Customs Commissioner ni President Noynoy. Ayon mismo sa ilang opisyal at brokers, malaon na ang sistemang bulok na ito. Maimpluwensya ang sinagasaan ni Alvarez nang higpitan ang revenue collection sa BoC kaya hayan ang nangyari sa kanya.
Matindi ang inggitan at awayan ng brokers sa BoC lalu na sa pagkuha ng kontrata sa pagpapalabas ng kargamento sa mga importers. Ito ang dahilan kung bakit nabunyag ang pagkawala ng libong container vans (CVs) na lumabas sa Manila port sa pamamagitan ng transshipment patungong Batangas.
Daan-daang CVs mula sa pier ang nawawala sa biyahe patungong ibang ports o pier anang opisyal. Matagal na umanong nawawala ang mga CVs pero kamakailan lang inexpose ng isang broker na tinanggihan ni Alvarez ang panunuhol. Napahiya kaya ibinunyag sa media ang pangyayari.
Hinigpitan ni Alvarez ang sistema lalo pa sa operasyon ukol sa transshipment cargos at nabatid na ito ang pinamumugaran ng smugglers sa bagong modus operandi ng smuggling na nagaganap sa ahensiya.
Nadiskubre rin ni Alvarez na P18 libo lamang ang binabayarang customs tax and duties ng mga brokerage at broker sa bawa’t isang 40 footer na CV ng general merchandise sa halip na daang libong piso sa dahilang milyones ang halaga ang kargamentong laman ng bawat CV.
Dahil dito, itinaas din ni Alvarez ang halaga ng customs duties and taxes sa P100 libo . Natural nagalit ang mga big time brokers at smugglers! Mantakin nga naman ang milyones na mawawa-la sa kanila.
Ayon sa BoC official at broker, ang paghihigpit at pagbabago ni Alvarez sa sistemang mali at ang malawakang pagtugis nito sa mga smugglers at tiwa-ling kawani ng BoC ang dahilan din kung bakit biglang tumaas ang koleksyon ng BoC sa halos isang taong pa lang na panunungkulan nito sa ahensiya.
Kung hindi mapupuksa ang ganyang bulok na sistema, kahit sino pa ang italaga ng Palasyo sa Aduana ay pihong mahihirapan lalu pa’t siya’y determinadong sugpuin ang katiwalian.