HINDI ito magandang payo. Delilkado kapag sinunod ang payo na armasan ang mga traffic enforcer ng Metro Manila Development Authority (MMDA). Sa halip na maging matiwasay sa kalsada ay baka gulo ang maging bunga.
Mula nang barilin ng isang motorista ang traffic enforcer ng MMDA noong Martes sa San Juan City, marami nang nagpanukala na dapat daw armasan ang mga traffic enforcer. Para raw madepensahan ng traffic enforcer ang kanilang sarili laban sa mga motoristang may baril. Sabi pa ng ilan, kawawa naman daw ang mga traffic enforcer na mamamatay nang walang laban. Tinutupad lang daw ang mga ito sa tungkulin kaya dapat mayroong pananggalang sa sarili.
Sinita ng traffic enforcer na si Larry Fiala ang motoristang nakilalang si Edward John Gonzalez dahil sa number coding. Naganap ang pagsita sa may Santolan flyover. Nagtalo sila. Sinuntok umano ni Gonzalez si Fiala. Tumalilis si Gonzalez pero hinabol ni Fiala gamit ang motorsiklo. Inabutan niya ito sa may San Juan City. Doon umano ito binaril ni Gonzalez. Naaresto na si Gonzales pero nakalaya rin dahil sa piyansa. Nakaligtas naman sa kamatayan si Fiala at kasalukuyang nagpapagaling pa sa ospital. Kamakalawa ay nag-rally ang mga kasamahan ni Fiala sa Department of Justice at inihihingi ng hustisya ang pagbaril dito. Hindi raw dapat nakapagpiyansa ang suspect.
Ang pangyayaring ito ang naging mitsa para raw armasan ang traffic enforcers ng MMDA. Panahon na raw para naman makadepensa ang mga traffic enforcers.
Ang ganitong balak ay lumitaw na rin noong panahon ni MMDA chairman Bayani Fernando. Suhestiyon ni BF, itak ang dapat iarmas sa traffic enforcer. Para makadepensa sa mga aroganteng drayber. Pero hindi ito nag-materialized. Binatikos din. Hindi dapat.
Ngayon ay baril daw ang dapat iarmas sa traffic enforcer. Delikado ito. Mas lalong lulubha ang problema. Baka may sibilyan na madamay kapag inarmasan ang enforcers. Hindi dapat. Pinakamabuti kung magkakaroon ng pulis sa lugar na kinaroroonan ng mga traffic enforcer at ito ang bahalang humarap sa inaarestong traffic violator. Huwag aarmasan ang traffic enforcers.