Talagang kinatatakutan si Tahir Alonto nung siya’y nasa kasagsagan pa ng kanyang paghari-harian bilang lider ng kidnap-for-ransom group na Pentagon Group. Sa sobrang bangis ni Tahir, kahit ilang ulit siyang ipinasok sa bilangguan, parati siyang naitakas tuwing umaatake ang kanyang mga alipores.
Naalala ninyo ‘yong pag-atake sa General Santos City jail na gumamit pa ng RPG ang mga tauhan ni Tahir noong 2000 upang siya ay maitakas lamang?
Ang daming kaso ng kidnapping, robbery at pati na multiple murder ang nakahain laban kay Tahir. Ngunit kahit abot-langit pa ang patung-patong na kaso laban sa kanya, malaya pa ring pagala-gala si Tahir.
Patuloy pa rin ang paghahasik ng lagim ni Tahir sa mga sumunod na taon nang may mga nagaganap na kidnapping cases sa Central Mindanao at mga kalapit lalawigan nito.
Nanginginig sa takot ang mga negosyante sa Central Mindanao dahil nga sa bangis ni Tahir at ng mga tauhan nito. Walang-awang kini-kidnap nina Tahir ang mga isip nila mapag-perahan dahil nga sa malaking halaga na puwedeng maging ransom kapalit ng kalayaan ng kanilang mga biktima.
Ngunit ang bangis ni Tahir ay walang silbi sa sakit niyang diabetes. Si Tahir ay nadale kahapon ng umaga sa komplikasyon ng diabetes. Namatay si Tahir kahapon ng umaga sa Barangay Langapanen, Sultan-Sa-Barungis, Maguindanao.
Kung saan pumalpak ang ating mga otoridad sa paghuli at pagsiguro na hindi na makakatakas si Tahir, ay doon naman nagtagumpay ang sakit na diabetes.
Kung gaano ka-tapang si Tahir, ang 'di niya alam ay may mas matapang pa sa kanya at ‘yon ang diabetes. Hindi nga lubos maisip ng marami na ang kanyang bangis ay hindi pala umobra sa sakit na dumapo sa kanya.
Sana ginamitan na lang ni Tahir ng RPG ang diabetes. Eh, di ba ganun siya itinakas ng kanyang mga tauhan nung inatake nila ang General Santos city jail? RPG ang ginamit nila. Kaso, pati RPG ay hindi rin umobra sa kanyang diabetes at hayon nadale na rin si Tahir kahapon.
Ang tagal nang pinaghahanap ng mga otordidad si Tahir. Ngunit hindi siya mahuli-huli at talagang may sa magic siyang nakakawala agad tuwing siya’y huhulihin na.
Ngunit sa diabetes walang kawala si Tahir. Kahit ilang milyon pa niyang mga alipores ang pro-protekta sa kanya, talagang kinuha na siya ng diabetes.
Hindi naman kaila na may isa o dalawa o tatlo o apat pang Tahir na uusbong bilang kapalit na lider ng Pentagon kidnap-for-ransom group.
Ngunit hindi ibig sabihin nito na hindi na gagalaw ang ating mga otoridad at hayaan na lang nilang gumawa ng krimen ang mga bagong Tahir. Kailangang tugisin ng ating mga pulisya at maging ng militar kung sino man ang bagong hari ng Pentagon na siyang papalit kay Tahir.
Talagang maging hayag na ang kapalpakan ng ating otoridad kung hintayin pa rin nila na magkasakit ng diabetes ang mga kriminal na ito at wala na silang ibang gawin kundi maghintay kung kailan mamamatay ang mga katulad ni Tahir.