Dalawang buwang tagumpay
MAY pag-asa pa rin ang sistema ng hustisya sa Pilipinas. Pinatigil pansamantala ng Court of Appeals ang pag-aangkin ni Wilfredo Torres sa 24 na ektaryang mamahaling lupain sa Quezon City, base sa mga petisyon ng mga naninirahang mamamayan doon. Dalawang buwan ang bisa ng TRO na binigay ng korte sa mga nag-apila sa desisyon ng judge na humatol pabor kay Torres. Ang judge ay inuulan ng batikos dahil sa kanyang kuwestiyunableng desisyon. Siguro ngayon, dalawang buwan na medyo mahimbing na tulog para sa mga nag-apila, na tila nahaharap sa isang demolisyon, pati na ang mga banta na kikilos ang Quezon City SWAT sa kanila! Ito na siguro ang unang imbestigahan ni bagong PNP chief Dir. General Nicanor Bartolome. Bakit kailangan ang SWAT sa isang pribadong gulo na wala namang banta ng matinding panganib para sa mamamayan? Hindi ba kaya ng QCPD, kaya SWAT ang sinama?
Dahil nagpakita na rin ng interes ang Senado sa isyu, kailangang himayin na nang husto ang mga dokumento ni Torres ukol sa lugar na inaangkin. Kailangan ding tingnan ang mga iba pang mga kaso ni Torres na may kaugnayan sa pag-aangkin ng malalawak na lupain sa Pilipinas! Alamin kung tunay nga na may sindikatong sumosuporta sa kanya. Maraming nagsasabi na kaya malakas sa judge at mga pulis ay dahil may mala-king sindikato na nasa likod niya. Sa madaling salita, alamin na lahat ukol kay Torres. Alamin kung bakit ang paratang sa kanya ay hari ng squatters. Alamin ang kanyang nakaraan at mga kasong sinampa sa kanya na may kaugnayan sa estafa. Alamin kung bakit siya nakulong, pinalaya, kinulong, pinalaya.
Para sa Supreme Court naman, pag-aralan ang ginawang pabor na desisyon ni Judge Tita Marilyn Payoyo-Villordon para kay Torres, kung may basehan talaga. Himayin lahat. Para malaman na lahat at matapos na ang napakalaking perwisyo nito para sa lahat ng nadamay. Itong kasong ito ang magiging gabay para sa mga susunod na kaso ng pag-aangkin ng lupain. Hindi lang pala si Torres ang mahilig umangkin ng mga lupain. Marami pa diyan. Malinaw na sindikato ang nasa likod ng lahat na ito. Pasimula pa lang si Torres!
- Latest
- Trending