MAY narinig na ba kayong balita sa Office of the Ombudsman? May narinig na ba kayong pagkilos sa 11,000 kasong nakasampa sa nasabing tanggapan? Kung wala pa, lahat pala ay nagtataka kung bakit tahimik at walang kibo ang Office of the Ombudsman. Iisa pala ang napapansin nang marami mula nang italaga sa puwesto si Ombudsman Conchita Carpio-Morales.
Dagdag pang tanong ay kung mayroon na raw bang ginagawa ang tanggapan para maaksiyunan ang mga kasong may kaugnayan sa corruption? Mayroon na raw bang mga plano kung paano lalabanan at masasampahan ng kaso ang mga gumagawa ng katiwalian? At kung anu-ano pang mga tanong na ang makakasagot ay tanging ang Ombudsman.
Naging kontrobersiyal ang dating Ombudsman na si Merceditas Gutierrez sapagkat marami umanong inupuang kaso. Maraming sangkot sa katiwalian ang hindi niya kinasuhan. Kabilang sa mga inupuan umano ni Gutierrez ay ang may kaugnayan sa national broadband network deal sa ZTE Corp. Hindi kinasuhan at napawalang sala pa ang mga sangkot na sina dating President at ngayo’y Pampanga congresswoman Gloria Macagapal-Arroyo at asawa nitong si dating First Gentleman Mike Arroyo. Inupuan din umano ang may kaugnayan sa “Euro Generals”, Mega-Pacific computerization at ang kaso ng pagpapakamatay ni Navy Ens. Philip Pestaño noong 1997.
Nagbitiw sa puwesto si Gutierrez bago umusad ang impeachment laban sa kanya at si retired Supreme Court Justice Carpio-Morales nga ang ipinalit ni President Aquino. Marami ang nagsasabi na mahusay si Carpio-Morales at trabaho lamang nang trabaho.
Pero ngayong walang naririnig ukol sa Office of the Ombudsman, tila nagbabago na ng pananaw ang marami at nag-iisip na baka walang ipinagkaiba ang kasalukuyang Ombudsman sa nakaraan. Madaling mainip ang taumbayan. Gusto nilang makakita ng pagbabago. Gusto nila ay makitang gumagalaw ang Ombudsman para mabigyan ng kalutasan at desisyon ang mga nakabimbin na kaso. Kilos Ombudsman!