Sinira ang buhay, dahil sa number-coding!
PINARA ng MMDA traffic enforcer na si Larry Fiala ang isang motorista dahil sa paglabag sa number coding? Pero paglapit ni Fiala, sinapak siya ng motorista na nakilalang si Edward John Gonzalez at saka humarurot paalis. Hinabol siya ni Fiala, inabutan, pero may baril pala si Gonzalez . Binaril ng apat na beses si Fiala. Dinala ito sa ospital. Ligtas na at nagpapagaling ngayon. Nahuli naman si Gonzalez sa kanyang bahay. Nakilala siya dahil naisulat ang plaka ng kanyang sasakyan.
Sa TV Patrol text poll, tinanong kung pabor ang pagdadala na ng baril ng mga MMDA traffic enforcers. Malayo ang lamang ng mga hindi sang-ayon. At tama naman. Una, hindi naman sanay sa pagdadala ng baril ang mga MMDA traffic enforcers, katulad ng mga pulis. Hindi ganun-ganun lang ang pagdadala ng baril, tulad ng nasa isip ng ibang mga sibilyan diyan, na nagmamatigas na kapag may lisensiya, may karapatan na. Dapat may masinsinang pagsasanay sa lahat ng aspeto ng pagdala ng baril. Wastong paggamit, wastong kaugalian, at tunay na responsable.
Pangalawa, hindi kailangan sa trabaho nila ang baril, dahil sila’y traffic enforcers, hindi pulis. Ang dapat ay kung saan may mga MMDA, dapat may ilang pulis na kasama. Ang problema, dahil may MMDA, wala ka nang makitang pulis! Sila ang armado, kaya dapat kasama nila ang mga MMDA. Kung may pulis na kasama yung nanghuli kay Gonzalez, baka hindi na bumunot ng baril iyon, maliban na lang kung gusto na ring mamatay!
Walang binanggit kung lisensiyado ang baril ni Gonzalez o hindi. Malamang lisensyado kundi sinabi na kaagad ng mga ulat iyon. Natagpuan din sa sasakyan ni Gonzalez ang iba’t ibang kalibre ng bala, na nagpapahi- watig na mahilig nga sa baril. Pero wala yung baril na ginamit sa pambabaril kay Fiala. Si Gonzalez ang ehemplo ng isang taong hindi dapat binibigyan ng lisensiya humawak ng baril. Hindi responsable, na kanyang pinatunayan sa pagbaril kay Fiala, para lamang sa paglabag sa number-coding. Nakitang hindi armado si Fiala kaya umiral ang tapang na dala ng baril. Tapang na hilaw. Walang peligro sa kanyang buhay, kaya walang dahilang ilabas ang baril, lalo na’t hinuhuli na siya para sa paglabag sa batas. Treinta anyos lang, sira na ang buhay. Kung wala sanang dalang baril, o kung tunay na responsable, hindi sana nangyari ang sinapit niya at ni Fiala. Dapat lang siyang maparusahan nang husto!
- Latest
- Trending