KASO ito ng mag-asawang Elpidio at Mina. Nakatira sila sa bahay na nakatayo sa lupa na nakapangalan kay Mina at may TCT No. 1982. Maraming naging utang ang mag-asawa na hindi nila nabayaran. Ang nangyari tuloy, sinampahan sila ng demanda ng inutangan nilang si Delfin. Ang utang nila kay Delfin ay P30,000. Habang nakabinbin ang kaso, namatay si Elpidio. Sa kabila nito, matapos ang paglilitis, nagdesisyon pa rin ang korte laban sa mag-asawa. Pinababayaran sa kanila ang P30,00 na utang.
Ang desisyon ay ginamit laban kay Mina. Binatak ng korte bilang pambayad ang lupang may TCT No. 1982 na nakarehistro sa pangalan ni Mina. Nilabanan ni Mina ang desisyon at ang ginawang pagbatak ng kanyang lupa. Ayon sa kanya, solo niyang pagmamay-ari (paraphernal property) ang lupa kaya hindi ito puwedeng magamit bilang pambayad sa pagkakautang nilang mag-asawa. At dahil namatay na ang kanyang asawa, kalahati lang ng lupa ang puwedeng kabigin ng korte. Ayon naman kay Delfin, ipinagpapalagay sa mata ng batas na pagmamay-ari nilang mag-asawa (conjugal) ang buong lupa kaya dapat na buo itong kabigin na pambayad. Isa pa, kahit daw solong pagmamay-ari ni Mina ang lupa, tinayuan naman ito ng bahay na tinirhan ng mag-asawa kaya naging conjugal dahil ang ginastos sa pagpapatayo ng bahay doon ay pera ng mag-asawa alinsunod daw sa Art. 158 (2) Civil Code). Tama ba si Delfin?
MALI. Ang ari-arian ay pagmamay-ari ng mag-asawa kung ang mga ito ay naipundar nila habang kasal na sila. Kung walang indikasyon kung kailan nakuha ang ari-arian, ang katibayan na nakapangalan ito sa isa lang sa kanila ay indikasyon na esklusibo itong pagmamay-ari ng nasabing asawa.
Ang pagpapatayo ng bahay gamit ang pera ng mag-asawa, sa lupa na esklusibong pagmamay-ari ng isa sa kanila ay hindi awtomatikong nagdidikta na magiging pagmamay-ari na ng mag-asawa ang lupa. Totoo na pansamantala ay pareho nilang puwedeng gamitin ang lupa at ang bahay na itinayo dito ngunit hindi bilang may-ari na kundi bilang nakikigamit (usufructuary) lang. Ang pagmamay-ari ng lupa ay mananatili sa asawang nakapangalan sa titulo hanggang mabayaran ang halaga nito sa kanya. Ang nasabing kabayaran ay mahihingi lang kapag nalusaw na ang pagsasama ng pag-aari nila o ang tinatawag na “liquidation of the partnership property” na sa kasong ito ay wala pa.
Dahil hindi naman nilinaw kung ano ang sagutin ng bawat isa sa mag-asawa at ang sinabi lang ay pareho nilang dapat bayaran ang desisyon, ang sagutin lang ni Mina ay ang kalahati ng utang na mababawi sa kanyang paraphernal property maliban at kusang-loob niyang babaya-ran ito gamit ang sariling pera (Maramba vs. Lozano, 20 SCRA 474).