EDITORYAL - Lahat ay tumataas

PANDAK na lamang ang hindi tumataas sa kasalukuyan. Gasolina, kuryente, pasahe sa MRT at LRT, toll fee, sardinas, tinapay at marami pang iba ay magtataas na. Walang makapipigil. At walang kawawa rito kung hindi ang mga kakarampot ang kinikita. Mapupunta lamang sa pamasahe ang kanilang kinikita. Paano pa sila kakain?

Kahapon ay rumatsada na ang mga kompanya ng langis sa panibagong pagtataas ng kanilang produkto. Katataas lamang nila ng gasolina, krudo, kerosene ay nagtaas na naman. At ang ma-tindi pang babala ng mga kompanya ng langis, maaaring sa loob daw ng isang linggo ay dalawang beses magtataas ng kanilang produkto. Grabe na ito. Tila wala na ngang control ang mga kompan­ya ng langis at para mga naghuhuramentado sa pagtataas ng kanilang mga produkto. Parang mga linta na sinipsip ang bulsa ng mga motorista.

Kapag nagpatuloy ang pagtaas ng petroleum products, wala nang makakapigil sa mga operator ng dypni at bus para magtaas din sila ng pamasahe. Babawiin nila sa mga kawawang pasahero ang ginastos nila sa gasolina at krudo.

Ganito rin naman ang mangyayari sa mga bus na nagbabayad ng toll. Babawiin nila sa pasahero ang ibinayad sa toll. Tataas din naman ang presyo ng mga gulay at iba pang produkto dahil sa pagtaas ng toll at gasoline. Ipapasa sa consu-mers ang malaki nilang gastos.

Kade-kadena na ang mangyayaring pagtataas at walang ibang kawawa kundi ang maliliit. Hindi na nila makakaya ang bigat ng buhay. Lalo pa silang hahawak sa patalim. Asahan na maraming krimen ang magaganap dahil sa walang tigil na pagtaas ng mga pangunahing bilihin. Lilipana ang mga kawatan at nasa panganib ang buhay nang marami.

Pagmamasdan na lamang ba ang ganito kabigat na pasanin ng mamamayan. Wala man lamang bang ilalagay na sapin sa balikat upang hindi maramdaman ang sakit na papasanin o hahayaan na lamang na maghirap hanggang sa dumugo at magkasugat-sugat ang balikat.

Aabangan na lamang ba ng mamamayan ang walang patlang na anunsiyo ng mga dambuhalang kompanya ng langis na magtataas sila? Gumawa sana ng paraan ang pamahalaan ukol sa nangyaya-ring bara-barang pagtataas ng petroleum products.

Show comments